NAKATAKDANG magpaliwanag ang mga transport official sa isasagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Services kaugnay sa paglala pa ng trapik sa EDSA sa kabila ng isinagawang test run sa provincial bus ban.
Gaganapin ang naturang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe sa darating na Martes, Agosto 13 sa ganap na alas-10 ng umaga na dadaluhan ng mga opisyal mula sa transportasyon na pinangungunahan nina DOTr Usec. Mark Richmund de Leon, MMDA Chairman Danilo Lim, LTFRB Chairman Martin Delgra III, LTO Chief Asec. Edgar Galvante, Task Force EDSA Chief Emmanuel Tabuena at PNP-HPG Legal Service Chief Darwin Clark Paz.
Darating din ang mga kinauukulang kongresista at lokal na opisyal na sina House Deputy Speaker Dan Fernandez, Cavite 7th district Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla, Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., Valenzuela Mayor Rex Gatchalian at Sta. Rosa (Laguna) Mayor Arlene Arcillas.
Haharap din sa pagdinig ang mga transport group gaya nina Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, Organisasyon ng mga Komyuter ng Pilipinas’ Sammy Malunes, National Center for Commuter Safety and Protection National Chair Elvira Medina, Samahang Transport Operator ng Pilipinas Managing Director Juliet de Jesus, Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) President Vincent Rondaris, PBOAP Executive Director Alex Yague at Transport Economists Jedd Ugay and Ira Cruz.
Dadalo rin ang mga pribadong sektor na sina Valenzuela Gateway Complex’s William Hao, Sta. Rosa Integrated Terminal Project Manager Vicente Bonaobra II, PITX Corporate Affairs Head Jason Torres, Supermalls Integrated Transport Terminals’ Ariel Castillo, Skyway Operations and Maintenance Corp.’s Dominador Torres, SMC Tollways President and CEO Manuel Bonoan, Genesis Transport Service President and General Manager Riza Moises at Jasper Jean Bus President Edwin Costes.
At mula naman sa Academe na si University of the Philippines’ Dr. Grace Gorospe-Jamon.
Tatalakayin sa pagdinig ang inihaing Senate Resolution No. 954 na layong alamin ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila, in aid of legislation, hinggil sa panukalang provincial bus ban sa EDSA.
“Matinding kalbaryo na naman ang nararanasan ng ating mga kababayang dumadaan sa EDSA. Maniningil tayo ng paliwanag at hindi natin palalagpasin ang kailangang managot sa kaguluhang ito,” giit ni Poe.
Binigyang diin ng senadora, kailangang sa pagbuo ng isang traffic schemes at polisiya ay dapat na kinokonsidera hindi lamang ang mga sasakyan kundi maging ang mananakay o biyahero.
“Bakit ginagawa tayong parang science project, puro eksperimento, habang taumbayan naman ang nagdurusa?” ani Poe.
Tinukoy ng senadora, ang napaulat ng “gridlock” sa implementasyon ng yellow lane para sa buses at dry run para sa provincial bus ban sa EDSA.
“Kung nagpatupad ng polisiya, bakit kalunos-lunos ang paglala ng trapik?” diin ng senadora.
Dahil dito, nais ni Poe na busisiing mabuti ang panukalang scheme na kung saan matindi ang panawagan ng publiko na isuspinde ito kasabay na rin ng mga legal question na inihain ng isang grupo sa korte.
“We will thresh out all these issues in a productive dialogue where all stakeholders will have a voice and will be part of the solution,” diiin ng senadora. VICKY CERVALES
Comments are closed.