(Transport sector umapela kay BBM) BAGONG LIDER ITALAGA SA DOTr

UMAPELA kay presumptive President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang isang malaking koalisyon ng public transportation na palitan ang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) sa harap ng mga ispekulasyon na mananatili sa puwesto ang opisyal.

Sa isang press conference kahapon, sinabi ng National Public Transport Coalition (NPTC) na ang sektor ng transportasyon ang pinakamalubhang tinamaan ng pandemya ng COVID-19 at patuloy na apektado dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon sa koalisyon, sila rin ang sektor na pinakanapabayaan at ang kanilang mga hinaing ay hindi pa nabibigyan ng solusyon ng kasalukuyang liderato ng DOTr.

Ang NPTC ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa National Confederation of Tricycle and Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Samahan ng mga Tsuper at Operator tutol sa Phase Out (STOP), Association of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMMI), Unified Transport Alliance of the Philippines (UTAP), Small Bus Operators of the Philippines, Philippine Bus Operators Association of the Philippines, Pilipino Society and Development Advocates, Alliance of Philippine Customs Brokers and Trucking Associations (CTAP), Inland Haulers and Truckers Association (INHTA), Haulers and Truckers Association in the Watersouth (HATAW), Lawyers for Commuters Safety and Protection, Truck Drivers Association of the Philippines, Motorcycle Rights Organization (MRO), Motorcycle Riders of the Philippines at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).

Lumagda sa isang manifesto ang koalisyon upang hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang kapalit na si Marcos na tugunan ang mga hinaing ng nasabing sektor patugkol sa transparency, equity at sustainability ng lahat ng stakeholders.

“Ang transport sector po ay mahigpit na hinagupit ng pandemya. At ngayon patuloy po kaming pinaluluhod dahil sa mataas na presyo ng gasolina. Sa gitna po ng lahat ng ito, napabayaan po ng kasalukuyang liderato sa DOTr ang aming hanay. Para po kaming inabandona. Ang pag-asa po namin ay ang pangako ni incoming President Marcos, Jr. na bibigyang-pansin niya ang lahat ng sector at tutulungang makaahon kasabay ng pagpaangat ng ekonomiya. Isa pong solusyon sa transport sector ay ang pag-appoint ng bagong secretary sa DOTr na tutulong, mag-aalaga at magpapalakas ng aming hanay,” ani coalition spokesperson Ariel Lim.

Ayon sa kanila, makatutulong kung ang paghirang sa mga mahahalagang opisyal ng DOTr, LTO at LTFRB ay may patunubay ng sektor ng transportasyon.

“Ang public transport industry ay kumplikado at may kanya-kanyang isyu kaya dapat lamang na ito ay maisaayos para sa ikabubuti ng lahat,” ayon sa manifesto.

Nakasaad din sa manifesto na: “It is therefore imperative that the appointment of Secretary and other key officials of the Department of Transportation, Land Transportation Office and Land Transportation Franchising and Regulatory Board should have strong background in public transportation, impartial, and who understands the intricacies of the industry.”

Hinikayat ng koalisyon ang kasalukuyan at parating na administrasyon na isama sila sa proseso ng pagpili at paghirang sa naturang mga opisyal upang matulungan ang gobyerno sa pagpili ng tamang uupo na may malasakit sa sektor ng transportasyon.

Ayon din sa NPTC, dapat ay may malinaw at patas na pagbibigay ng fuel subsidy dahil marami sa kanila ang hindi  umano nakatanggap ng ganitong ayuda mula sa kasalukuyang liderato ng DOTr.

Iginiit ng koalisyon na ang susi upang maisaayos ang lagay ng transport sector ay ang pagtatalaga ng bago at mahusay na kalihim sa departamento na bubusisi at makikipagtulungan sa sektor na lutasin ang mga problema ng nasabing hanay.