BIGO ang ilang transport groups na paralisahin ang trapiko sa Metro Manila.
Ito ang pagtaya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Inter-Agency Task Force of Tigil Pasada sa tigil-pasada ng grupong MANIBELA nitong Lunes, Oktubre 16.
Sa idinaos na pulong balitaan, sinabi ni MMDA chairman Romando Artes na hindi gaanong naramdaman sa Metro Manila ang tigil-pasada, kung saan sa pangkalahatan ay normal lamang ang sitwasyon, base rin sa Inter-Agency Task Force of Tigil Pasada.
Sa kanilang monitoring, tatlong lugar lamang ang nagkaroon ng bahagyang stranded na pasahero, ito ay sa Paranaque, Baclaran, Quirino at Altura.
Gayunman, agad naman itong narespondehan ng local government unit at nagpagdala ng apat na sasakyan ng MMDA.
Sinabi ni Artes na economic sabotage ang ginawa ng grupo pero mabuti na lamang ay walang naganap na harassment sa mga tsuper ng dyip na tumuloy pa rin sa kanilang pamamasada dahil na rin sa kawalan ng maipantustos sa pamilya.
Kasabay nito, humingi ng pang-unawa ang pamunuan ng MMDA sa hindi pagsuspinde ng number coding scheme.
Binigyang-diin rin ni Artes na kaya hindi sila nagpakalat agad ng mga sasakyan ay para bigyan ng pagkakataon ang mga nagpapatuloy na namamasada na kumita muna.
Ayon kay Artes, kung bigo ang nasabing mga transport group ay maituturing naman na tagumpay sila na magpapansin sa publiko at sa media.