MAGDE-DEPLOY ang Department of Transportation (DOTr) ng marshalls na magpapatupad ng social distancing at hygienic practices sa mga train station at terminal sa sandaling magbalik sa operasyon ang mass transportation.
“’Yung magpapangasiwa ng pag-observe ng mga patakaran at panuntunan ng Department of Health, kasama po namin ang security forces na endemic sa amin, ‘yung PNP at DILG, at magke-create po kami ng tinatawag na transportation marshalls,” pahayag ni DOTr Sec. Arthur Tugade sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa COVID-19 updates.
“Sila ho ang magtataguyod at magpapakita sa pamayanan kung ano ang social distancing, sila po ang mag-e-enforce ng pag-wear ng mask, sila po ang susubaybay at sisiguraduhin ‘yung tinatawag na disinfection at sanitation processes,” ani Tugade.
Bukod dito, sinabi ng kalihim na naglagay na rin ng markers sa loob ng train coaches, stations, gayundin sa ticketing at queueing areas.
Hindi pa masabi ni Tugade kung kailan muling bubuksan ang mass transportation at nakadepende, aniya, ito sa magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force na nangangasiwa sa COVID-19 situation.
Nananatiling limitado ang transport services sa gitna ng pandemya, lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ), kahit pinayagan nang magbukas ang ilang establisimiyento.
Comments are closed.