MARAHIL sa ulo pa lang ng kolum ko, malinaw na malinaw kung ano ang tatalakayin ko ngayon. Matapos ang ilang buwan nang ECQ, kung saan nakaranas tayo ng kakaibang luwag ng daloy ng trapiko sa lansangan, tila sa tindi ng kondisyon ng trapik ay mali na tawagin natin ito na ‘new normal’. Mas angkop na tawagin na ‘back to normal’ ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Aba’y kaninang umaga lamang ay tinahak ko ang kahabaan ng Commonwealth Avenue mula Fairview hanggang sa Quezon Memorial Circle ng halos dalawang oras. Opo. Two hours! Susmaryosep! Tinatayang mahigit na 10 kilometro ang sukat mula sa aking tahanan sa Fairview hanggang QC Circle. Usad-pagong ang takbo ng mga sasakyan kanina. Ang sanhi nito ay sobrang sasakyan sa lansangan na nasabay pa sa mga road repair sa may QC Circle. Isama pa natin dito ang ilang bahagi ng Commonwealth Ave. na sumisikip dahil sa konstruksiyon ng MRT-7.
Kaya naman napaisip ako kanina habang tensyonado akong nagmamaneho at nakikipaggitgitan sa mga pribadong sasakyan, bus, taksi, trak at mga pasaway na motorsiklo na tila ay mga pesteng langaw kung lumusot sa mga pagitan ng mga malalaking sasakyan.
Paano na kaya kung pinagbigyan ng ating gobyerno na lumayag muli ang mga bulok nang jeepney sa lansangan natin? Isipin na lang natin ang mga pasahero na nasa loob ng jeepney. Mahigit na isang oras silang nasa loob ng jeepney at walang social distancing dahil sa matinding trapik. Aba’y hindi ako magtataka na mas lalong tataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa ilalim ng sinasabi nating ‘new normal’!
Kapansin-pansin din na wala ang mga tauhan ng HPG natin sa kahabaan ng Commonwealth kanina. Hindi ba nagkaroon dati ng kasunduan ang MMDA at HPG na tutulong sa traffic management ang nasabing sangay ng Philippine National Police sa mga piling lansangan sa Metro Manila tulad ng EDSA, Roxas Blvd at kasama dito ang Commonwealth Ave? Asan sila kanina?
Naaawa ako sa MMDA. Tulad ng Meralco na palaging sinisisi sa bill shock bagama’t ang binabayaran natin ay hindi lahat napupunta sa kanila, ang MMDA ay nagmimistulang ‘punching bag’ ng publiko kapag malala ang trapik. Subalit maraming mga dahilan kung bakit sumisikip ang trapik sa ating lansangan. Una rito ay ang disiplina ng mga motorista, isama na natin dito ang mga commuter natin. Pangalawa ay ang sobrang dami ng sasakyan sa Metro Manila. Pangatlo ay hindi maayos na sistema ng pampublikong transportasyon. Pang-apat ay ang limitasyon ng mga awtoridad ng MMDA sa mga polisiya sa batas trapiko. Nangangailangan kasi ng approval ng Metro Manila Council ang kahit na anong bagong regulasyon na nais gawin ng MMDA. Kaya medyo tali rin ang kamay ng MMDA.
Sa aking pananaw lamang, panahon na upang ipatupad muli ang number coding para makabawas ng trapik sa lanasangan. Ang dahilan daw kung bakit hindi pa ibinabalik ang number coding ay dahil hindi pa ganap na maayos ang sistema ng pampublikong transportasyon sa ngayon. Ayon sa LTFRB, malapit na daw nilang payagan ang mga jeepney. Ngunit nararapat na ibalanse nilang mabuti ito. Mahalaga na isipin nila ang pangkalahatang kabutihan at kapakanan ng ating lipunan. Nandito pa rin ang COVID-19. Ang mga dating kaugalian natin sa pagsakay sa pampublikong transportasyon ay kaaya-aya na mahawa ang mga pasahero sa nakamamatay na sakit.
Sa ngayon, umasa at maghintay na lamang tayo sa MMDA, HPG, DOTr at mga lokal na pamahalaan kung papaano nila aayusin ang muling sumisikip na daloy ng trapiko na iniisip din ang kapakanan ng kalusugan ng mga pasahero natin laban sa COVID-19.
Comments are closed.