NAGBABALA si House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na lalo pang lulubha ang lagay ng trapiko sa Metro Manila pagkatapos ng Undas.
Ayon kay Sarmiento, ito ay bunsod na rin ng pagsisimula ng Christmas rush lalo na sa pagpasok ng Disyembre na tiyak na marami ang magsisiuwian sa mga probinsiya.
Dahil dito, sumulat si Sarmiento sa Department of Transportation (DOTr) at sa 15 ahensiya na may kinalaman sa traffic at transportation management na ipatupad ang mga plano at programang napagkasunduan sa komite para tugunan ang inaasahang matinding problema sa traffic.
Hinimok din nito na makipag-usap na sa mga may-ari ng bus company ang mga traffic at transportation officers upang mailatag na rin ang route-rationalization plan o ang pagkakaroon ng centralized at synchronized na dispatch system ng city buses.
Bagaman malaking hamon ito para kay Transportation Sec. Arthur Tugade, kinakailangan na mapasunod ang mga bus company upang magkaroon ng maayos na sistema at lumuwag ng kahit bahagya ang trapiko lalo na sa EDSA. CONDE BATAC