TRAPIK SA ‘BER MONTHS’ NAPAAGA

trapiko

NAPAAGA ang trapik na karaniwang nararanasan sa ‘ber months’. Ito ang inamin kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“Nasa July-August pa lang po tayo pero ang nararanasan nating pagbigat ng trapiko, parang Disyembre na,” pahayag ni MMDA spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago.

“Ayaw ho nating bolahin ang mga kababayan natin. Ang importante ho, may figures sila at alam nila ang tunay na nangyayari. Bibigat po tayo pagdating ng ‘ber months’,” dagdag pa ni Pialago.

Ayon sa MMDA spokesperson, ang traffic flow sa  southbound lane ng Edsa ay 11 kilometers per hour (kph) sa umaga samantalang sa northbound ang mga motorists tumatakbo lamang sa 14 kph sa gabi.

Base sa datos ng MMDA, ang traffic volume sa Edsa ay lumalagpas kada araw sa 601 percent.

Ayon sa MMDA,  umaabot sa  380,000 sasakyan ang dumadaan sa Edsa kada-araw na mayroon  lamang  kapasidad na 54,000.

Ang mga  mga kotse  na nasa 66 percent  ang nagpapabigat ng traffic, 22 percent naman mula sa mga motorsiklo at 3.48 naman sa mga bus.

Sinabi ng MMDA na isa sa nakikitang nilang solusyon sa patinding traffic sa EDSA ay pagtatayo ng mga train sa Metro Manila, subalit  ayon sa Department of Transportation (DOTr),  ang pagsasaayos ng mga rail system ay hindi naman agad magagawa sa isang  pitik lamang.

Ayon sa kanila, ang bilis ng takbo ng MRT ay 30 kph na mas mabagal kumpara sa Japan at New York na may bilis na 60 hangang 80 kph.

“Kapag bako-bako po ‘yung riles mo, dagdagan mo pa po ng bako-bako ‘yung mga gulong ng mga bagon mo dahil hindi na-maintain nang maayos, kinakailangan pong ibaba ‘yung operating speed nu’ng sistema,” pahayag ni  DOTr Undersecretary Timothy John Batan.

Ang Filipinas,  may anim hanggang pitong porsiyento  lang ng mga commuting public ang gumagamit ng train na malayo sa  sitwasyon sa Japan na ang 70  porsiyento  ng riding public ay gumagamit ng trains.

Tiniyak ng DOTr na  matapos lang ang mga proyekto sa Build Build Build  program  ng Duterte administration ay may  mga bagong train routes at road networks na at  maa­ring tumaas ang train rider sa 25 porsiyento.  MARIVIC FERNANDEZ

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *