TRAPIK SA PASUKAN TUTUTUKAN, LIBONG MMDA PERSONNEL IPAKAKALAT

MMDA

NASA 1,444 personnel ang itatalaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbubukas ng klase sa Lunes, Hunyo 4, dahil sa inaasahang mabagal na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.

Sinabi ni MMDA General Jojo Garcia, magdadagdag ng puwersa o traffic personnel ang MMDA sa  critical areas tulad sa mga university belt sa Maynila, Katipunan Road, EDSA at  ang critical chokepoint areas tulad ng Cubao, Aurora at Ba­lintawak Cloverleaf.

“Our traffic personnel shall intensify enforcement and clear obstructions near schools with large number of students,”  ani Garcia.

Bukod sa  traffic enforcers, magtatalaga rin ang MMDA ng mga miyembro ng Sidewalk Clearing Operations Group, Anti-Jaywalking Unit simula alas-6 ng umaga sa mga paaralan.

Magsasagawa ng 24 oras na monitoring ang MMDA Metro Base Command Center at nakaantabay rin ang Agila Mobile Base para sa cctv ca­meras.

Bahagi pa rin ng programa ng Department of Education  (DepEd) para sa Oplan Balik Eskuwela, tutulong ang mga miyembro ng Metro Parkways Clearing Group para sa pag­lilinis ng mga paaralan at sa bisinidad nito.

Tulad ng paglilinis ng classrooms, trimming ng mga punong kahoy, pagsasagawa ng disaster preparedness at management program seminars, pagpipintura ng classrooms  at  school buildings at declogging ng mga  drainage.

“Members of the Traffic Engineering Center have started installing road signs – no parking, parking, school zone and application of thermoplastic pavement markings on pedestrian lanes to guide motorists and students as well,”  sabi pa ni Garcia.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.