HARAPIN natin ang pang-araw-araw na kalbaryo at reyalidad, lalong-lalo na sa Metro Manila: ang mabigat na trapiko.
Nasa P2.4 bilyon kada araw ng pinagsamang pondo ng bawat mamamayan at pamahalaan ang nasasayang dahil lamang sa mabigat na trapiko sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa loob ng isang taon ay aabot itong matatawag na lost income o savings sa P643 bilyon.
Ayon naman sa isang pag-aaral ng kilalang urban planner na si Felino Palafox, kinakailangan ng Metro Manila ng 10 circumferential road at isang railway system na magli-link sa buong kapuluan.
Sa ganang akin, mga kamasa, napakasimple lamang ng solusyon sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Una, ipatupad ang odd-even scheme para sa mga pampribadong sasakyan sa buong Metro Manila. Kalahati kaagad ng bilang ng mga ito ang mawawala sa mga lansangan.
Ikalawa, tanggalin ang mga terminal ng mga pamprobinsiyang bus mula sa EDSA, at magtayo ng terminal sa Valenzuela City para sa mga papuntang norte, at isang terminal naman sa Alabang para sa mga bus na biyaheng pa-south.
Ikatlo, i-tow lahat ng sasakyan na ginagawang parking area ang mga side street at mga pampublikong lansangan, mahigpit na ipatupad ang ’no garage, no vehicle’ policy.
Ikaapat, ibalik at isaayos ang mga U-turn slot na unang ipinatupad ni dating MMDA chairman Bayani Fernando. Kung kina-kailangang tanggalin ang mga stoplight, e tanggalin na ang mga ‘yan.
Ika-lima, tanggalin ang mga kolorum na bus sa EDSA at sa lahat ng lansangan sa Metro Manila.
Ikaanim, bigyan lamang ng isang minuto sa bus stop ang mga bus na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero.
Ika-pito, mahigpit na ipatupad ang paggamit ng bus lane at motorcycle lane sa EDSA.
Ika-walo, lagyan ng mga kawani ng MMDA ang lahat ng busy intersection sa lahat ng oras hanggang gabi.
Ika-siyam magdagdag ng mga bagon sa LRT at MRT upang ang mga tao ay maengganyong mag-public transport na lamang kaysa magdala pa ng sariling sasakyan.
Ika-sampu, maglagay ng skyway sa Metro Manila.
Comments are closed.