(Trapiko luluwag) MOBILE APP DELIVERY ARANGKADA NA

Carga app

INAASAHANG magdudulot ng pagluluwag sa daloy ng trapiko sa bansa ang inilunsad na makabagong local mobile app na naglalayong makapaghatid ng mga produkto sa publiko sa pamamagitan ng kauna-unahang backload transport solution para sa shippers at truckers.

Sa isang press conference, ipinagmalaki ni Carga CEO Sam Lato ang kanilang bagong backload solution na malaki aniyang tulong sa pag-angat ng logistic industry sa bansa.

Aniya, sa tulong ng naturang app, mas madali nang mag-connect ang shippers na sakto sa kanilang oras at pangangailangan sa mas abot-kayang halaga sa pamamagitan ng backload.

Binibigyang oportunidad din ng app na madagdagan ang kita ng truckers dahil sa mismong app ay nakikita nila ng real time ang mga nangangailangan ng mga magpapadala sa kanilang biyahe.

Higit pa aniyang makatutulong ang Carga app na mapagaan ang matinding trapiko sa kalsada dahil walang sayang na biyahe rito kung saan nababawasan ang paglabas sa kalsada ng mga truck na walang laman na kargamento.

Ipinaliwanag pa ni Lato na hindi na rin kailangang magkaroon ng sariling truck ang small and medium enterprises para makapagpadala sa pamamagitan lamang ng kanilang makabagong mobile app.

Nabatid na naisipang simulan ng may-ari ang negosyong ito dahil sa karanasan nito sa pagpapadala ng mga materyal para sa isa pang kompanya noon, ang M JAS Zenith na madalas puno ng gamit ang mga padala nilang truck patungong Cebu at Davao sakay ng RoRo subalit wala nang laman pagbalik ng Maynila.

“Bakit hindi natin lagyan ng laman pabalik ang truck para ‘di masayang ang biyahe?” sabi ni Lato na siyang nasa likod ng makabagong mobile app.

Inaasahang ngayong araw (Peb. 6) ang simula ng operasyon ng naturang mobile app para tumanggap ng mga delivery kung saan nakatuon muna ito sa mga pangunahing lungsod sa mga probinsya at inaasahang sa susunod na mga araw ay magkakaroon ng operasyon sa Metro Manila. BENEDICT ABAYGAR, JR.