TRASH BOOM SA MANILA BAY

TRASH BOOM

MAGPAPALAGAY ng umaabot sa 2.5 kilometer na trash boom ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang panlaban sa mga ba­surang umaabot sa Baywalk ng Manila Bay.

Sa lingguhang Report to the Nation ng National Press Club, sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na sa loob ng taong ito ay kanilang ipalalagay ang naturang trash boom upang maipon at matanggal ang mga ba­sura sa karagatan ng Maynila.

Nilinaw niya na tuloy-tuloy at hindi bumagal ang pag­lilinis ng binuong inter-agency na nakatutok sa Manila Bay Rehabilitation ­Program, subalit ami­nado si Antiporda na bahagyang naapektuhan ang panig ng enforcement dulot ng nagdaang eleksiyon.

Ipinaliwanag niya na inuuna lamang nila ang original projects ng DENR na nakatuon sa pag­lilinis ng mga sapa at ilog upang hindi maabot ng polusyon ang tubig na patungo sa Manila Bay.

Napag-alamang may hinihintay pang P2.3 bilyong pondo na ilalaan sa Manila Bay rehabilitation para sa puspusang operasyon ng proyekto, kabilang dito ang dredging, pagsasaayos ng communal septic tanks habang ang iba naman ay para sa relokasyon ng informal settlers.

“Sa ngayon ay tinotodo na namin ang trabaho para tuluyang maisaayos at malinis na ang buong Manila Bay dahil tatlong taon na lamang ang nalalabi sa termino ng administrasyong Duterte,” pahayag ni Antiporda.

Sa kasalukuyan, nasa 52,000 na lamang ang coliform level ng Manila Bay mula sa dating 1.3 billion kung saan nagkakaroon pa rin ng pabago-bagong level kung kaya patuloy na nakatutok ang inter-agency.

Target ng DENR na maibalik sa dating anyo ang Manila Bay na malinis at swimmable o napagla-la­nguyan pa ng publiko ang naturang karagatan. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.