KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Quiapo Church na ikinokonsidera na nila ngayon ang posibilidad na kanselahin muna ang pagdaraos ng pinakaaabangang Traslacion 2020 bunsod na rin ng nananatili pa ring banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang Traslacion ay ang pagpu-prusisyon sa imahe ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand, pabalik sa simbahan ng Quiapo, na dinarayo ng milyon-milyong deboto at idinaraos tuwing Enero 9.
Itinuturing ito na isa sa pinamakalalaking relihiyosong aktibidad sa bansa.
Ayon kay Father Douglas Badong, ang vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, na ngayon pa lamang ay pinag-aaralan na nila kung paano maidaraos nang ligtas ang kapistahan ng Quiapo, partikular na ang Traslacion.
Sa ngayon ay ikinokonsidera na ng procession committee ang ilang proposal sa pagdaraos ng Traslacion sa susunod na taon.
Ani Badong, kabilang na rito ang posibleng kanselasyon ng prusisyon sa Rizal Park upang matiyak na masusunod ang mga panuntunan sa physical distancing na ipinaiiral ng pamahalaan.
“Sa ngayon po ay talagang nag-uusap-usap na kami ng proposal sa procession committee na idudulog namin sa IATF (Inter-Agency Task Force). Kung papayagan ng IATF na following all the protocols, ‘yun ang gagawin namin. Pero naka-set na rin naman kami na posibleng wala talagang Luneta event ngayon at wala ‘yung usual na ginagawa natin,” pahayag ni Badong, sa panayam sa teleradyo.
“Kailangan talaga namin ma-practice ngayon at least ‘yung mga tao masanay na ito ang ipapatupad natin, na may physical distancing habang nagsisimba sila sa nobenaryo ng Traslacion,” aniya pa.
Kaugnay nito, umaasa si Badong na magiging bukas ang mga deboto sa mga pagbabagong maaaring maganap dahil sa kakaibang panahon na nararanasan ngayon.
Pagtiyak pa niya, ngayon lamang naman magkakaroon ng mga pagbabago dahil sa pandemic.
“Kailangan din ihanda na yung mga deboto na makundisyon na sila na kakaiba ang panahon natin ngayon. Malaking pagbabago talaga sa January 9, sana maging bukas ang mga deboto sa pagbabagong ito. Ngayon lang naman itong may pandemic,” aniya pa.
Kaugnay nito, umapela ang pari sa pamahalaan na payagan nang makapasok ang mas maraming deboto sa simbahan, o kahit hanggang 30% man lamang aniya ng kapasidad nito.
Sa kasalukuyan kasi ay 100 katao o hanggang 10% lamang ng 1,000 seating capacity ng simbahan ang pinapayagang makapasok sa Quiapo Church, gayung kahit 50% aniya ay kaya nilang i-accommodate.
“Kaya namin hanggang 50 percent pero kung mapagbigyan sana ‘yung kahilingan na kahit 30 percent man lang ay masaya na kami doon,” aniya pa. “Sa 100 na katao sa loob ng Simbahan talagang napakaluwag ng Simbahan. Sayang naman yung loob na baka sakali mas ligtas sila sa loob dahil sa loob mame-maintain namin ang physical distancing nila dahil may markings, ushers sa loob.”
Sinabi naman ni Badong na upang mas maraming tao ang makapagsimba at makapasok ng simbahan ay dinagdagan na lamang nila ang bilang ng kanilang mga isinasagawang banal na mula at ginawa itong walo, mula sa dating lima lamang araw-araw. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.