SISIYASATIN na rin ang mga travel agency na pinaniniwalaang sangkot sa ‘pastillas’ scheme sa patuloy na isinasagawang paghalungkat sa katiwaliang ito sa Bureau of Immigration (BI), ayon kay Commissioner Jaime Morente.
“Kabilang na ngayon sa iniimbestigahan ang mga pribadong travel agency hindi lamang sa Filipinas, kundi maging sa counterparts nito sa China na tumanggap ng malaking halaga mula sa mga Chinese Pogo worker upang makakuha ng VIP treatment sa Immigration,” ani Morente.
Matatandaang sa ibinunyag ng whistleblower na si Alison Chiong, immigration officer ng BI, sa kabuuang P10,000 na ibinibigay ng isang POGO worker bilang service fee, P8,000 dito ang napupunta sa mga tour operator ng travel agency na nagsisilbing guide ng mga Chinese mula airport hanggang opisina ng POGO, samantalang ang nalalabing P2,000 ay tinatanggap at pinaghahatian umano ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), mga opisyal ng BI, duty immigration supervisors at terminal heads.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Morente na malaking halaga ng grease money na ito na ibinibigay ng mga Chinese national ay napupunta sa travel agencies na siyang nasa likod umano ng sindikato ng ‘pastillas’ scheme.
Kaugnay nito, isinailalim na sa malawakang balasahan ang halos 800 empleyado ng BI simula noong Huwebes, ayon kay Dana Sandoval, tagapag-salita ng ahensiya.
Bukod ito sa nauna nang pagsibak sa puwesto sa limang matataas na opisyal ng BI at sa 16 immigration officers sa utos naman ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na isiwalat ni Senador Risa Hontiveros ang kontrobersiyang ito kung saan umabot na umano sa P10 bilyon ang kinita ng mga tiwaling opisyal at empleyado ng BI simula pa noong 2016. NORMAN LAURIO
Comments are closed.