PANSAMANTALANG ipatutupad ng pamahalaan ang partial travel ban sa South Korea dahil sa patuloy na pagkalat doon ng coronavirus disease 2019 (COVID-2019).
Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III kahapon.
Ayon kay Duque, ang tanging papayagan lamang na makabiyahe papuntang South Korea ay ang mga permanenteng residente roon, mga Pinoy na nag-aaral doon at overseas Filipino workers (OFWs) na babalik sa kanilang trabaho.
Gayunman, bago tuluyang payagang bumiyahe ay kinakailangan lumagda ang mga ito sa written declaration na nagsasaad na batid nila ang panganib ng gagawin nilang biyahe.
Nabatid na nagpasya ang Inter-Agency Task Force on COVID-19 na agarang ipatupad din ang travel ban sa mga pasaherong mula sa North Heongsan province, South Korea kabilang ang Daegu City at Teongdo County.
Papayagan naman umano ang mga Pinoy at mga dayuhang asawa at anak nila, gayundin ang mga may permanent at diplomatic visa na makapasok sa bansa, ngunit kinakailangang sumailalim muna sila sa screening at quarantine protocols.
“Filipinos and the foreign spouses or children and holders of permanent and diplomatic visas will be allowed entry subject to existing screening and quarantine protocols,” ani Duque.
“The travel restriction will be reviewed and be evaluated in the next 48 hours based on new developments,” dagdag pa niya.
Nabatid na una nang kinumpirma ng South Korea na tumaas ang COVID-19 cases sa kanilang bansa, at siyam sa mga ito ang binawian ng buhay.
Ang South Korea na ang pangalawa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19, na umabot na sa 1,146 hanggang nitong Miyerkoles, habang nangunguna pa rin naman ang China.
Sa naturang bilang ay 134 ang mula umano sa Daegu City sa North Gyeongsang.
Wala pa namang napapaulat na Pinoy sa South Korea na dinapuan ng sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ
445 PINOY SA CRUISE SHIP NAKA-QUARANTINE SA CLARK
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na dumating na sa bansa kamakalawa ng gabi ang may 445 Pinoy mula sa cruise ship na MV Diamond Princess, na nakadaong sa Japan dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa naturang 445 Pinoy, ay 440 ang crew habang lima ang turista.
Nabatid na unang lumapag sa Clark International Airport ang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na mayroong sakay na 309 na mga Pinoy, dakong 10:15 ng gabi, kasama ang dalawang miyembro ng repatriation team mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at apat na miyembro ng health response team mula sa DOH habang ang ikalawang eroplano naman ng PAL, na may lulang 136 na Pinoy crew at anim na kawani ng DFA at DOH, ay dumating sa Clark dakong 12:12 ng madaling araw kahapon.
Pagkalapag ng dalawang chartered plane sa Haribon Hangar ay muling isinailalim ang mga ito sa pagsusuri, at nang hindi makitaan ng sintomas ng sakit ay tuluyan nang isinakay sa bus at inihatid sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Kasama ring dinala sa New Clark City ang lahat ng miyembro ng team mula sa DFA at DOH gayundin ang mga crew ng PAL para sumailalim sa 14-day quarantine period.
Ayon kay Duque, pawang asymptomatic ang mga Pinoy mula sa cruise ship, ngunit batid nilang may posibilidad na ilan sa mga ito ang mag-positibo sa sakit tulad nang nangyari sa iba pang mga dayuhan na inilikas rin mula sa MV Diamond Princess.
Tiniyak naman ni Duque na handa sila sa naturang kaganapan at tiniyak na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon ng mga naturang Pinoy.
Nabatid na may 21 pagamutan na sa Central Luzon ang minobilized ng DOH upang tumulong sa kanila sakaling may mga naka-quarantine na Pinoy ang mag-positibo na sa virus.
Kaagad umano nilang dadalhin sa pagamutan ang mga Pinoy na magpo-positibo sa sakit sa mga naturang pagamutan na nabigyan ng orientation at may sapat na kakayahan upang lunasan ang karamdaman.
Sa ngayon ay nasa tig-iisang silid umano ang bawat ini-repatriate na Pinoy at masusing mino-monitor upang matiyak na hindi sila magkakahawahan sakaling mayroong mag-positibo sa kanila sa sakit.
Tiniyak naman ni Duque na ang 80 Pinoy crew naman na una nang nagpositibo sa sakit habang nasa barko pa ay naiwan na sa Japan at isinasailalim sa medical treatment. ANA ROSARIO HERNANDEZ
PALASYO NAGPASALAMAT SA JAPAN
PINASALAMATAN ng Malakanyang ang pamahalaan ng Japan sa ibinigay na tulong sa Filipino repatriates na lulan ng MV/Diamond Princess na dumaong sa Yokohama.
”We thank the Japanese government for the assistance they gave to our countrymen and their close cooperation with Filipino officials to ensure that the needs of our kababayans have been addressed,” sabi pa sa presss statement ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ayon kay Panelo, saludo ang Filipinas dahil natugunan ng Japan ang lahat ng mga pangangailangan ng mga Filipino roon.
Pinasalamatan din ng pamahalaan ang Philippine Airlines na sumundo sa mga repatriates sa bansang Japan.
Umaapela ang Palasyo sa publiko na sama samang ipanalangin na magiging maayos ang lagay ng kalusugan ng mga umuwing Filipino at hindi tamaan ng COVID 19. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.