TRAVEL PASS-THROUGH PERMIT SA MGA BIYAHERO 

eleazar

UPANG mapadali ang local travels sa panahon na may umiiral na quarantine protocol, nagpasya ang Joint Task Force COVID Shield na magpalabas ng Travel Pass-through Permit (TPP) kasunod ng ginawang pakikipag ugnayan kina Interior and Local Government Secretary  Eduardo Año at Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Pancratius Cascolan.

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield commander Lt.Gen Guillermo Eleazar ang TPP ay pagsuporta sa pasya ng national government na luwagan ang travel restrictions upang muling mapasigla ang economic activities sa bansa.

Ani Eleazar, sa pamamagitan ng TPP ay papayagan ang mga non-APOR (Authorized Persons Outside Residence), kabilang ang Locally Stranded Individuals (LSIs) na patungo sa mga Local Government Unit (LGU) na may  ‘Unrestricted Travel Policy’.

“Unlike Travel Authority, there is no requirement in getting a TPP. This document will be presented to policemen manning the Quarantine Control Points, or border control checkpoints, to allow them to pass the travel restrictions being implemented in LGUs with Restricted status,” diin ni Eleazar.

Kamakailan ay kinansela ng  Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang umiiral na  travel restrictions para sa lahat ng  local travels.

Dahil dito, nagpasya ang LGUs magpairal ng “unrestricted travel policy’ na nangangahulugan na hindi na hahanapan ng Travel Authority ang mga APOR at non APORs kabilang ang LSIs para sa mga papasok ng kanilang mga lugar.

Kaya’t nilinaw pa ni Eleazar, hindi na kailangang harangin pa ng mga PNP-LGU unit ang mga nagbibiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng unrestricted travel policy kahit walang travel Authority at TPP.

Binigyang diin pa, ang  TPP at Travel Authority ay applicable sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at  modified general community quarantine (MGCQ).

Subalit, hindi applicable ang  TPP sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at  modified enhanced community quarantine (MECQ). VERLIN RUIZ

Comments are closed.