TRAVEL RESTRICTIONS POSIBLENG ALISIN

Presidential spokesperson Harry Roque

NAGPAHIWATIG si Presidential Spokesman Harry Roque na posibleng hindi na mapalawig ang travel restrictions sa mahigit 30 bansa na apektado ng bagong variant ng coronavirus sa Enero 31.

Sa press briefiing kahapon sinabi ni Roque na ito ay dahil nakalatag na ang health protocols na dapat lamang sundin para hindi makapuslit ang nasabing virus sa bansa.

Sinabi ni Roque na aprubado na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF MEID) ang mga health protocol para sa mga biyaherong papasok sa bansa kabilang ang dalawang beses na pagsasailalim sa RT-PCR test at ang kumpletong 14-day quarantine ng pasahero mula sa mga bansang nasa ilalim ng travel ban.

“So, I would say that is a hopeful signal that the travel ban in the 35 countries may not last very long,” ayon kay Roque.

Gayunman, ang pinal na desisyon ng pagtatanggal ng travel restriction ay manggagaling pa rin aniya sa IATF.

Sa record, simula noong Disyembre ng nakalipas na taon, ang pamahalaan ay nagsimula nang magpatupad ng travel restrictions laban sa mga dayuhang magmumula sa mga bansang apektado ng new strains ng COVID-19 gaya sa United Kingdom, Japan, at the United States.

Sa unang kautusan, magwawakas ang travel ban hanggang Enero 15 subalit pinalawig ito ng hanggang Enero 31.

Noong isang linggo ay nagdesisyon ang IATF  na maaaring makapasok sa bansa ang mga dayuhan mula sa mga bansang nasa ilalim ng travel ban subalit kailangang may valid visa at susunod sa health protocols na itinakda ng gobyerno gaya ng dalawang beses magpa-RT-PCR test at kumpletuhin ang 14 day quarantine.

Dagdag pa ni Roque  na ang mga asawa at minor na anak  ng  Filipino citizens ay maaaring mag-avail ng exemption basta may kasama silang Pinoy at kailangang sumailalim sa testing at quarantine protocols. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.