TRAVEL RISKS AT KUNG PAANO MAIIWASAN

TRAVEL RISKS

(ni CT SARIGUMBA)

KUNG may isa mang pangarap ang bawat isa sa atin, iyan ang makarating sa iba’t ibang lugar at masilayan ang kagandahan nito. Wala nga namang taong hindi nag-iisip na masilip ang mga lugar na dinarayo sa loob at labas ng bansa.

Wala rin namang kasing sarap sa pakiramdam ang makara­ting sa iba’t ibang lugar. Para nga magawa ito, karamihan sa atin ay ginagawa ang lahat ng paraan gaya ng pagtitipid nang makaipon. O kaya naman, ang paghahanap ng ekstrang trabaho nang kumita rin ng eks­tra.

Para sa pangarap, lahat nga naman ay gagawin ng kahit na sino. Ngunit, oo nga’t napakasarap ang magtungo sa iba’t ibang lugar. Pero dapat ay malaman pa rin natin ang mga posibleng panganib na naidudulot ng pagta-travel sa loob man o labas ng bansa.

Kaya naman sa mga nagpaplanong mag-travel sa mga susunod na panahon, narito ang mga maaaring makasa­lamuhang panganib sa pagtungo sa iba’t ibang lugar:

HEALTH RISK

Sa pagtungo sa isang lugar ay maaari tayong dapuan o mahawa ng iba’t ibang sakit. Kaya naman, napakahalagang nasisi­guro nating malusog ang ating pangangatawan nang hindi tayo kapitan ng sakit.  Bukod din doon ay alamin ang estado ng pupuntahang lugar.

Hindi naman kasi pare-pareho ang bawat lugar o bansa. Iba ang paraan nila ng pagluluto gayundin ang klase ng pagkaing kanilang inihahanda.

Kaya para maiwasan ang mga kondisyon gaya ng stomach flu, vomiting at diarrhea, maging maingat sa pagkain at inuming kahihiligan sa pupuntahang lugar.

SCAMMING

Isa pa sa puwedeng maranasan kapag magta-travel ay ang maloko. Kahit saan naman talaga ay mara­ming manloloko. Hindi iyan maiiwasan. May mga lugar pa nga o bansa na ang gaganda at mukhang disente ang gumagawa ng hindi kanais-nais.

Madalas na tina-target ng mga scammer ay ang mga turista o dayo. Kaya naman, maging maingat sa pupuntahang lugar—mayroon mang kasama o wala. Huwag ding basta-basta makikipag-usap sa hindi naman kakilala. Higit sa lahat, huwag sasama o magtitiwala sa kung kani-kanino. Tandaang nasa ibang lugar ka at maraming puwedeng mangyari kaya’t maging maingat bago gumawa ng desisyon.

PROBLEMA HABANGBUMIBIYAHE

Hindi rin nawawala ang pagkakaroon ng problema habang bumibiyahe. May mga pangyayari nga naman talagang nangyayari nang hindi inaasahan. kahit na sobrang mag-ingat tayo, may mga bagay na bigla-bigla kung sumalakay.

Para naman hindi gaanong magkaproblema habang bumibiyahe, mag-research sa lugar na darayuhin. Alamin kung gaano kalaki o ilang porsiyento ang naitalang transport accidents.

Alamin din kung gaano katindi ang traffic. Isa rin ang matinding traffic sa kinaiinisan ng marami sa atin. Dahil nga naman sa traffic ay nade-delay ang ating lakad.

Kaya’t bago pa lang magtungo sa isang lugar, mag-research na tungkol sa pupuntahan. Alamin ang mga aksidenteng nangyayari, kung gaano kalala ang traffic gayundin ang mga lugar na madalas may nangyayaring problema o aksidente.

MANAKAWAN

Isa rin sa dapat nating ingatan ay mga bagay na mahahalaga sa atin gaya ng pera, passport at gadgets dahil hindi maiiwasan ang mga magnanakaw o masasamang loob.  Kapag bago ka nga naman o traveler, mamatahan ka ng masamang loob lalo’t hindi ka pamilyar sa lugar.

Kaya’t para maiwasang manakawan, itagong mabuti ang mga mahahalagang bagay at dokumento. Huwag ding magpapakita o maglalabas ng mamahaling bagay o gamit nang hindi makatawag ng pansin sa masasamang loob. Maging mapagmatiyag din sa pa­ligid sa ano mang oras at panahon. Huwag na huwag ding lalabas o mag-iikot kapag gabi.

KARAHASAN

Maaaari nga namang mangyari at maranasan ng kahit na sino ang karahasan—nasa sariling bayan man siya o hindi. Isa rin ang karahasan sa risk ng pagta-travel.  Kaya kapag nasa ibang lugar, dobleng ingat ang kailangang gawin.

Maraming risk ang maaari nating maranasan sa pagta-travel lalo na kung hindi tayo mag-iingat at magiging handa.

Kaya naman, bago mag-travel, hindi lamang sarili ang dapat na ihanda kundi maging ang ating isipan. (photo credits: Google)

Comments are closed.