(Ni CT SARIGUMBA)
MAY mga bagay na kahit na alam nating para sa ating kabutihan ay hindi pa rin natin ginagawa. May rules na binabali natin, hindi dahil sa ikasasama natin ito kundi tingin natin ay hindi naman ito ganoon kaimportante at puwede namang huwag gawin.
Isa sa pinaka-simpleng halimbawa ang paglabas ng bahay sa araw-araw. Hindi nga ba’t madalas nating nababasa at naririnig na kailangang maglagay o gumamit ng sunscreen nang maproteksiyunan ang balat laban sa mapanirang sikat ng araw. Oo, alam natin ang epekto ng sikat ng araw sa ating balat pero binabalewala natin ito. Kahit na alam nating ikabubuti ito ng ating kalusugan, ayaw nating gawin. Ayaw nating gumamit ng sunscreen at mga panangga laban sa sikat ng araw.
Ganyan din tayo kapag magta-travel. Kaliwa’t kanan ang mababasa nating tips para maging safe sa paglalakbay. Pero kahit na alam natin ang mga naturang tips, binabalewala ito. Kumbaga, hindi binibigyang-halaga. Binabasa pero kinakalimutan.
At sa mga sanay na sanay nang mag-travel o maya’t maya kung mag-travel, narito ang ilang advice o travel tips na dapat nating sundin at huwag nang balewalain pa:
PAGGAMIT NG CELLPHONE SA MATAONG LUGAR
Halos lahat ay nahihilig sa gadget at teknolohiya. Marami nga sa atin na hindi lamang iisa ang ginagamit na gadget kundi higit pa. May ilan ding ha-los gusto sumabay sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya at kapag may bagong labas na gadget, binibili kaagad kahit pa sobrang mahal o labis-labis ang presyo nito.
Kunsabagay, napakahalaga rin ang pagkakaroon ng gadget o cellphone sapagkat nagagamit ito sa komunikasyon. Ginagamit din natin ito sa social media, pakikinig ng music, panonood ng palabas at ang paglalaro ng online games.
Walang masamang gawin ang mga nabanggit, gayunpaman ay maging maingat tayo kung saan at kailan natin ito gagamitin.
Halimbawa na lang ay nasa biyahe, iwasan ang paggamit ng gadget o cellphone nang hindi malingat at masalisihan ng masasamang loob.
Mainam ding kung ise-save ang baterya ng cellphone para may magamit sa emergency kaysa sa ang gamitin itong pampawala ng bagot habang bumibiyahe, traffic o naghihintay sa airport.
Marami na tayong nababasa na maging maingat sa paggamit ng cellphone lalo na sa mataong lugar. Ngunit kung ilang beses na nating naririnig o nababasa ang ganitong payo, paulit-ulit din nating hindi pinapansin at binabalewala.
Maging maingat tayo. Huwag na nating hintaying may mangyari pa sa atin bago tayo umaksiyon o sumunod.
PAGHAHANDA NG COPY NG PASSPORT
Kung aalis din ng bansa o magtutungo sa ibang lugar, huwag ding kaliligtaan ang paghahanda ng kopya ng passport nang kailanganin man ito ng biglaan, may magagamit o maipakikita.
Marami sa atin ang hindi ito pinapansin dahil marahil, ayaw ng iba na magdala ng papel. Puwede rin namang i-scan ito at i-save sa gadget o i-email sa sarili nang ma-access ito sa kahit na anong panahon at kahit saang lugar ka pa naroroon.
IPAALAM ANG ITINERARY SA KAPAMILYA O MALAPIT NA KAIBIGAN
Sabihin man nating nakasisiguro tayo sa ating kaligtasan sa pupuntahang lugar, nararapat pa ring ipaalam sa mga malalapit na kaibigan at kapamilya ang itinerary o talaan ng mga ruta o pupuntahan sa paglalakbay.
Mas mabuti kasi iyong may nakaaalam nang hindi ka man makarating sa tamang oras o araw, may aaksiyon para hanapin ka. In case nga naman na may mangyari sa iyong hindi inaasahan sa biyahe sa pinuntahang lugar, may maghahabol o magtsetsek sa iyo.
Sa ganitong paraan din ay mas mapadadali ang paghahanap sa iyo sakaling na-delay ang pag-uwi mo dahil alam nila kung saan sila magsisimulang maghanap o saan sila magtatanong-tanong.
EMERGENCY NUMBER
Mahalaga rin siyempre ang pag-save ng mga emergency number sa cellphone. Kaya naman, bago ang pagtungo sa ibang lugar, alamin ang local emergency number ng police at i-save ito sa cellphone.
Huwag mo nang hintayin pang may mangyari sa iyo bago ka maghagilap ng numero na maaaring tawagan na sasaklolo sa iyo. Bago pa lang umalis, alamin na ang local emergency number at i-save na ito.
MANATILING NAKA-SEATBELT HABANG BUMIBIYAHE
Maraming Pinoy o biyahero ang matitigas ang ulo at hindi nagsi-seatbelt. Kung mayroon mang rules o ipinatutupad na tuntunin ang airport, eroplano, sasakyan o kung ano man, iyan ay para sa ating kaligtasan. Kaya sundin bago mahuli ang lahat at magsisi.
Saan man tayo naroroon o saan man tayo patungo, isipin natin ang ating kaligtasan. Maging maingat at sumunod sa tuntunin o gawin ang mga dapat gawin. (photos mula sa shtfpreparedness, smartertravel, unitingaviation)
Comments are closed.