ISA rin ang mga millennial sa mahilig mag-travel. Kadalasan nilang kasama ang kani-kanilang mga kaibigan. May iba rin namang pamilya ang kasama sa pagtungo o pagbisita sa mga magagandang lugar sa bansa at maging sa karatig nito.
Sa ganitong yugto nga naman ng buhay, kailangan ding magpahinga kahit na paminsan-minsan. Kumbaga, habang kaya pa nating magbakasyon at maglibot o magtungo sa iba’t ibang lugar ay gawin natin. Naalala ko tuloy ang sinabi sa amin ng kaibigang makata na si Fidel Rillo, habang bata at wala pa raw asawa ay mag-travel na. Habang single, mag-enjoy at libutin ang kasulok-sulukang bahagi ng mundo.
Tama nga namang habang bata pa tayo ay gawin na natin ang paglilibot sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Kung magsisimula kang maglibot habang bata ka pa, sa pagtanda mo ay marami ka nang narating na lugar.
Hindi lahat ng millennial ay may pera para magamit sa pagta-travel. Kaya’t ang ginagawa ng ilan ay nag-iipon. Ang iba naman ay naghahanap ng part-time job para may magamit sa gagawing pamamasyal.
At dahil mahilig din ang millennial sa pagbabakasyon o pagtungo sa iba’t ibang lugar, narito ang ilang tips na kailangan nilang malaman para malubos ang pamamasyal:
TAMANG OUTFIT SA TAMANG LUGAR
Bago mag-pack ng mga dadalhing gamit at outfit, importanteng napag-isipan munang mabuti kung ano-ano ba ang mga gagawin sa lugar na pupuntahan. Magha-hiking ba kayo? Mountain climbing? Swimming?
Importanteng malaman muna kung ano-anong activity ang gagawin sa lugar na pupuntahan at batay roon ay makapagdedesisyon ka sa mga gamit at outfit na kakailanganin mo. Huwag din masyadong revealing ang mga dadalhing kasuotan.
Importante ang tamang outfit sa tamang lugar. Kung malamig ang inyong pupuntahan, importante o dapat lang na magdala ka ng mga swak sa ganoong weather o klima. Kung mainit naman ang lugar na inyong darayuhin, mga damit na komportable at malamig sa katawan naman ang kailangan ninyong dalhin.
Hindi basta-basta ang pagpa-pack ng mga dadalhing gamit sa gagawing pagta-travel. Dapat itong pag-isipang mabuti. At kailangan ding mapakikinabangan o magagamit ang lahat ng mga dadalhin. Siyempre, magdala rin ng ekstrang damit para sakali mang kailanganin, may magagamit ka.
LIMITAHAN ANG SARILI SA PAGGASTOS
Okey, lagi nating nababasa at naririnig na kailangang mag-stick tayo sa budget kapag nagta-travel. Importante naman talagang mag-stick sa budget nang hindi gumastos ng sobra o malaki. Gayunpaman, sabihin mang naka-budget ang inyong gagawing pagta-travel, importante pa ring magdala ka ng ekstrang pera para sa mga hindi inaasahang pagkakataon.
Limitahan lang din ang sarili sa paggastos nang hindi naman maubos sa isang trip lang ang pinag-ipunan mo ng matagal. Maging matalino kumbaga sa paggastos.
MAG-INGAT SA IPO-POST SA ONLINE
Okey, sa tuwing nagtutungo ang marami sa ibang lugar, hindi nawawala ang paggamit ng teknolohiya. Sa panahon ngayon, katuwang na ng marami sa atin ang teknolohiya dahil nakatutulong ito upang mapagaan ang pang-araw-araw nating pamumuhay. Isa rin ang mobile devices sa masasabi nating travel companion hindi lamang ng millennial kundi ng kahit na sino.
Sa paggamit nito, isa sa kailangang ingatan ay ang mga ipo-post sa online. Maraming manloloko sa paligid at nag-aabang lang iyan ng tamang panahon o pagkakataong makapambiktima. Kaya bago mag-post, isipin muna kung mapapahamak ka ba o hindi sa kaalaman o impormasyong ibabahagi mo sa online.
Sa mga ganitong pagkakataon, iwasan ang pagpo-post ng eksaktong lugar na iyong kinaroroonan lalo na kung mag-isa ka lang. Okey lang na mag-share ng photo pero iyong personal na impormasyon ay huwag nating ipaalam kung kani-kanino.
MAGING ALERTO SA PALIGID O KINAROROONAN
Hindi naman lahat nang nagta-travel ay may kasama o companion. Kung minsan ay mag-isa lang. Puwede rin naman kasing mag-travel ang kahit na sino ng mag-isa dahil naka-e-enjoy rin itong gawin. At kung mag-isa ka lang na nagta-travel, maging alerto ka sa lugar o paligid. Huwag basta-basta magtitiwala. Bantayan ang mga gamit nang hindi masalisihan ng masasamang loob. Hangga’t maaari, huwag lalabas ng mag-isa. Huwag ding sasama kung kani-kanino.
Masarap mag-travel pero magiging mas masarap iyan kung ligtas tayo. CT SARIGUMBA
(photos mula sa google)
Comments are closed.