TRAVELING WITH KIDS: STRESS FREE AND FUN TIPS

TRAVELING WITH KIDS

MAHIRAP ang mag-travel. Pero masarap itong gawin. Masaya at nakaaadik. Kumbaga, gusto nating ulit-ulitin. Napakarami rin kasi nating maaaring matutuhan sa pagliliwaliw. Malaki rin ang naitutulong nito, lalong-lalo na sa ating trabaho at maging sa ating kalusugan.

May ilan na nagta-travel nang mag-isa. Samantalang ang iba, namamasyal kasama ang mga kaibigan. Lahat naman tayo ay nagsasaya at nagtutungo sa iba’t ibang lugar kasama ang ating pamilya o mahal sa buhay. Walang katulad na kaligayahan nga naman ang dulot ng pamamasyal kasama ang pamilya.

Walang pinipiling panahon at oras ang pamamasyal. Kung kailan natin maisipan o magustuhan ay maaari na­ting gawin. May ilan na nakaplano ang kanilang gagawing pagliliwaliw. Halimbawa na lang kapag bakasyon, sinisiguro nilang makatutungo sila sa iba’t ibang bansa o magagandang lugar na hindi pa nila nararating. May iba naman, paulit-ulit na binabalik-balikan ang isang lugar dahil sa pagkain at maging sa magandang pagtanggap sa kanila ng mga nakatira roon.

Pero hindi lang naman kapag bakasyon o kaya naman, Pasko o may okasyon tayo maaaring maglibot o mamasyal. Kahit na anong oras at panahon ay maaari natin itong gawin lalo na kung wala namang sagabal.

Dahil isa sa nakapagpapasaya sa marami sa atin ang pamamasyal, at hindi rin naman puwedeng hindi natin isama ang ating mga anak, narito ang ilang tips para sa fun at stress-free na pagta-travel:

MAGDALA LANG NG MGA KAKAILANGANING BAGAY O GAMIT

TRAVELING WITH KIDSNakawiwili ang mamasyal. Pero isang mahirap gawin ay ang pagpa-pack ng mga dadalhin. Marami kasi tayong gustong dalhing mga bagay o damit. Baka nga naman kailanganin natin kaya’t mabuti nang dala o nasa loob na ito ng ­ating bagahe para hindi na rin tayo mapagastos.

Pero sa kaiisip natin ng ating mga kakaila­nganin o ‘sakaling kailanganin’ ay hindi natin namamalayang ang dami-dami na na­ting gamit na nais dalhin at hindi na ito magkasya sa ating maleta. Kaya isang magandang gawin ay ang paglilista ng mga importanteng bagay o mga bagay na talaga namang kakailanganin.

Ano-ano nga ba ang ilan sa mga kailangan nating dalhin sa pagbiyahe lalo na kung may kasama tayong anak o bata?

Ilan sa dapat na nasa ating packing list ay ang sanitizer, wipes, pull-ups at diaper. Importante ito sa ating mga tsikiting.

Hindi rin siyempre puwedeng mawala ang smartphones at tablets. Maaaring maglagay kayo ng mga paboritong movie o music ng inyong anak nang mawili ang mga ito habang kayo ay bumibiyahe.

Dahil hindi naman natin maitatangging wi­ling-wili tayo sa gadgets, importante rin ang pagdadala ng headphones o earphones nang hindi makaabala sa ibang pasahero o bumibiyahe.

Importante rin ang pagdadala ng plastic bags para may mapaglagyan ng basura at may magamit sakaling masuka ang mga tsikiting. Huwag ding kaliligtaan ang tubig at crackers para sa lahat.

PILIIN ANG MAAGANG BIYAHE

May ilan sa ­ating naka-schedule ang pa­mamasyal at pinaghahandaan. At dahil may kamahalan ang ticket at hotel accommodation, ginagawa ng marami para makatipid ang mag-abang ng promo o sales. Mainam din naman ito para nga naman mailaan natin sa ibang bagay o pangangailangan ang ma­titipid natin.

Isa lang ang tandaan natin sa tuwing bibiyahe tayo lalo na kapag may kasamang bata, at iyan ay ang piliin ang mas maagang pag-alis o pagbiyahe. Mas safe ang pagbiyahe—eroplano man, bus o kotse kung maaga o maliwanag ang paligid. Mahirap na ang bumiyahe sa panahon ngayon dahil sa rami ng puwedeng mangyari. Pero kung umaga o maliwanag kayong bibiyahe, kahit papaano ay makapagmamatiyag ka sa paligid.

MAGBAON NG KAKAIBANG LARO NA IKATUTUWA NG MGA TSIKITING

TRAVELING WITH KIDSAlam naman natin kung gaano kakulit ang mga bata. Hindi iyan papayag na nasa iisang lugar lang sa mahabang oras. Gusto niyan, maya’t maya ay may ginagawa, nilalaro o pinagkakaabalahan. At para mapahinahon sa kakulitan ang mga tsikiting, isang magandang gawin ay ang pagbabaon ng surprises gaya na lang ng mga kawili-wiling laro—board games lalo na. Maaari rin ang pagdadala ng libro nang maaliw sila habang bumibiyahe. Isa pa sa nakare-relax ay ang pakikinig ng musika.

MAG-ISIP NG DESTINASYONG MAGUGUSTUHAN NG MGA BATA

Hindi lamang din kagustuhan natin ang dapat nating isaalang-alang kundi maging ang ikasisiya o ikatutuwa ng ­ating mga anak. Sa tuwing magbabakasyon o magta-travel tayo kasama ang ating mga anak, isama natin sa ating listahan o itinerary ang magagan­dang lugar na maaaring dayuhin sa pupuntahang siyudad o probinsiya na ikatutuwa ng mga bata. Iyong alam nating paulit-ulit nilang maaalala at magpapangiti sa kanila.

Hassle para sa ilan ang magdala ng tsikiting sa biyahe lalo na at may kakulitan ang mga ito. Gayunpaman, mayroong mga paraan para manati­ling fun at stress-free ang pagbiyahe kasama ang mga bata.  CS SALUD

Comments are closed.