TRAYDOR ANG MGA REBELDE AT PAGHAHANDA SA HOLY WEEK

KILALANG traydor ang New People’s Army (NPA).

Tinatambangan at binabaril ang mga kawal ng gobyerno nang patalikod.

Aba’y hindi makatao ang ginagawang pagsalakay sa mga sundalo kahit may dinaranas pang krisis ang bansa.

Kaya naman, nagpatutsada si Vice President Sara Duterte kay ACT Teachers Representative France Castro makaraang manawagan ito na dapat magkaroon daw ng forensic experts at kinatawan ng Commission on Human Rights (CHR) na sisilip kung sino ang mga nasa likod ng engkuwentro sa Masbate.

Parang nag-aabogado raw kasi si Castro sa mga terorista at waring pinagdududahan ang integridad ng official reports.

Kung matatandaan, nanggulo ang mga kasapi raw ng NPA malapit sa isang paaralan sa Barangay Locso-an sa Placer.

Hindi na raw magugulat si VP Sara sakaling igiit ni Castro na mga puwersa ng gobyerno ang nasa likod ng pagpapasabog sa Locso-an noong Marso 22.

Ang pahayag daw ni Castro ay patunay na siya’y pekeng kinatawan daw ng mga mag-aaral, guro at miyembro ng education sector.

Nakagugulat, ayon kay Inday Sara, ang hindi pagkondena ni Castro sa karahasan ng NPA sa lalawigan.

Tama nga naman si VP.

Hindi na dapat maniwala sa mga teroristang grupo at sa mga huwad na representante ng ilang sektor.

Ang mga rebelde ay hindi dapat bigyan ng pagkakataon dulot ng katrayduran na kanilang ipinakikita.

Samantala, halos lahat ng sektor ay handa para sa Semana Santa.

Sinasabing inatasan na rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) at mga lokal na pamahalaan na tiyaking mapayapa at ligtas ang Holy Week.

Mahalaga raw na manatiling nakaalerto ang mga awtoridad lalo’t dumadagsa na naman ang libo-libong biyahero na luluwas ng kanilang mga probinsya.

Mas paiigtingin pa raw ang police visibility sa buong bansa, partikular sa mga tukoy na ‘areas of convergence’.

Gaya naman ng gagawin ng maraming Pinoy, aba’y plano rin daw ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na mag-retreat sa Semana Santa.

Ang retreat ay ang pamamahinga sa isang tahimik na lugar na malayo sa magulo at maingay na kapaligiran.

Well, maghanda na para sa retreat at pagninilay-nilay sa susunod na linggo.

Happy weekend, my dear readers!