TRAYSIKEL SA NATIONAL HIGHWAY

TULAD ng dati ay umuuwi ako sa Quezon province para sa ilang mga bagay-bagay na inaasikaso.

Hindi na nagtataka ang Kaliwa’t Kanan sa mga traysikel na makikita mong nakikipagsiksikan sa kalsada sa mga motorista o 4 wheels.

Di ba minsan kinakabahan ka kapag ang mga motorsiklo ay todo dikit sa left and right kapag ikaw ay nagda-drive ,dagdag pa ang mga traysikel drayber na pasaway.

‘Yung makikipagpatentero ka sa mga traysikel sa highway na ang takbo mo ay 60 to 80 kph at kung hindi ka biglang mag-break ay mababangga sila.

Mula paglabas sa SLEX sa may Sto. Tomas, Batangas ay may ilan kang mga traysikel na makakasabay sa kalsada pero mas nakakagulat pagdating sa San Pablo na traffic na nga ngunit parang laging may parada ang mga traysikel na nakikipag-unahan sa motorista sa highway deretso ‘yun hanggang sa Tiaong, Quezon.

Hindi natin kinukuwestiyon ang kanilang hanapbuhay, ang nag- aalala tayo ay sa malimit na aksidente na mas marami ay mga drayber at pasahero ng traysikel ang biktima. Wala ba silang ordinansa na ipagbawal ang mga traysikel sa highway na hindi lamang nakapagdudulot ng traffic kundi maging panganib.

Natatandaan ng Kaliwa’t Kanan sa ilalim ng Local Government Code, may karapatan ang mga city at municipal mayors, sa pamamagitan ng kanilang Sanggunian, na isaayos at pakialaman ang operasyon sa kanilang mga nasasakupan.

Natatandaan ko noong panahon ni DILG Sec. Eduardo Ano, mahigpit na ipinagbawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapasada ng mga pedicab at traysikel sa national hiway sa Metro Manila at mga lalawigan.

Sabi niya, “for safety reason, no tricycle or pedicab should operate in national hiways utilized by four-wheel vehicles greater than four tons and where normal speed exceeds 40kilometers per hour”.

Mayroon ding DILG Memorandum circular (MC) 2020-36 kung saan ipinagbabawal ang mga trayk, pedicabs, and motorized pedicabs na dumaan sa mga national highways sapagkat sila ang nagdudulot ng obstruction sa mga pambansang lansangan.

Ibig sabihin mayroon nang mga ganitong batas, subalit mukha atang hindi nai-implement ng maayos o baka naman walang ngipin ang mga alkalde sa mga munisipalidad.

Minsan naman intindihin din natin ang kaligtasan ng mga naghahanapbuhay na mga traysikel drayber at mga pasahero nito.

Marami ngayong mga proyekto na mga kalsada, wala bang puwedeng ibigay na ligtas na daan para sa mga trasikel drayber?

Kung mabibigyan ito ng solusyon sa bansa ay tiyak na hindi lamang trapiko ang magluluwag kundi mababawasan na rin ang mga aksidente sa lansangan.

Sana nga’y magising ang mga kinauukulan na tupdin nila ang mga ordinansa dahil malaki ang ating paniniwala na nagpasa ang mga Sangguniang Panglunsod ng mga ganitong ordinansa na hindi lamang naipatutupad nang maayos sa kanilang mga lugar.