TRICYCLE SUMALPOK SA POSTE: 1 PATAY, 4 SUGATAN

RIZAL-ISA ang namatay samantalang apat ang isinugod sa hospital nang sumalpok ang tricycle sa poste ng Meralco sa Sampaloc road, Sitio Halang na Gubat, Barangay Plaza Adea, Tanay sa nasablang lalawigan kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Adrian Matela, 43-anyos, may-asawa at residente ng Poblacion ng naturang bayan habang ginagamot naman ang mga sugatan na sina, Nathaniel Garcia , 12-anyos, kapatid nitong si Cristina, 14-anyos; Jonathan de la Cruz, 31-anyos at Sandy Base, 32-anyos, driver ng tricycle.

Sa report ni Col. Dominic Baccay, Rizal PNP provincial director kay BGen. Antonio Yarra, CALABARZON PNP Director, dakong alas-7:15 kahapon ng umaga ay maayos umanong tinatahak ng tricycle na minamaneho ni Base ang kahabaan ng Sampaloc road nang bigla na lang umano mawalan ng preno ang sasakyan na dumiretso at sumalpok sa isang poste ng Meralco.

Sa lakas ng impact ng pagkakabunggo tumilapon umano ng malayo si Matela at tumaob ang tricycle na naging resulta sa pagkaka ospital ng mga sakay nito.

Ayon sa pulisya, matagal na umanong may mga signage ang lugar bilang babala sa mga residente at commuters na mag-ingat sa nasabing lugar. ARMAN CAMBE