TRIGGER HAPPY CHAIRMAN KALABOSO

baril

MAYNILA – KALABOSO ang bagsak ng isang barangay chairman matapos ireklamo ng concerned citizen dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa Tondo.

Sa joint affidavit, inireklamo sa Don Bosco Police Community Precinct, Raxabago (MPD-PS1) si Rodolfo Quebec, 48, may-asawa, barangay chairman ng Barangay 120, Zone 9, Tondo, Manila at residente ng No.7 J.P laurel  St., ng nasabi  ding lugar.

Ayon pa sa affidavit, si Quebec umano ay lasing na nagpaputok ng baril sa kanilang lugar na ang kanyang pakay umano ay upang takutin naman ang mga drug pusher at user sa kanyang nasasakupan.

Sa pahayag ng mga affiant na sina  P/Cpl Jerich Padilla, P/SSg Robert Bernardo at P/Cpl Ferdinand Cunanan, na naka-duty sila nang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay sa pagpapaputok ng ba­ril ng barangay chairman  ala-1:00 ng madaling araw ng Lunes.

Agad namang nagtungo sa lugar ang mga operatiba at inabutan si Quebec na umano’y nagsasagawa ng clearing operation  sa kahabaan ng Laurel Street kung saan nagpakilala silang mga pulis at sinabi ang reklamo laban sa kanya.

Aminado naman si Quebec sa kanyang ginawa at saka isinurender ng kanyang live-in partner na si Rosemarie Sulivan ang .38 kalibre  revolver  na ginamit nito sa pagpapaputok.

Kusa ring sumuko si Quebec sa mga operatiba at mahinahon na sumama sa presinto para sa imbestigasyon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng RPC (alarm and scandal) at R.A  10591 (Comprehensive Law on Fire-arms and Ammunitions) na kasaluku­yang nakakulong sa MPD-PS 1. PAUL ROLDAN