LAGUNA – BALIK-KULUNGAN ang tricycle driver matapos makumpiska ng P350K halaga na shabu sa ikinasang drug operation ng pulisya at PDEA sa Bgy. Callios, bayan ng Sta. Cruz noong Sabado ng hapon.
Sa police report ni Lt. Col. Chitadel Gaoiran na naisumite kay Laguna police provincial director Col. Serafin Petalio II, nakilala ang suspek na si Arnold Cabigan, 47-anyos na nakunan ng ilang plastic sachets na shabu na may street value na P350K.
Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Divinagracia G. Bustos-Ongkeko ng RTC Sta Cruz, Laguna, inilatag ang drug operation ng mga tauhan ni Gaoiran katuwang ang PDEA-Laguna sa bahay ng suspek kung saan nasamsam ang nasabing droga.
Sa tala ng pulisya, lumilitaw na ikatlong pagkakataon na itong naaresto kaugnay ng pagtutulak ng droga kung saan isinailalim na ito sa drug test at physical examination habang pina- chemical analysis naman ang shabu na nasamsam.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA-9165 ang suspek na walang kaukulang piyansang inilaan ang korte para sa pansamantala nitong paglaya. DICK GARAY
Comments are closed.