LAGUNA – HINDI na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin habang naghihintay ng pasahero sa harap ng isang tindahan sa Bgy. Parian, lungsod ng Calamba kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni PLt. Col. Gene Licud, hepe ng pulisya ang biktimang si Gener Escasura Genoveso, residente ng nasabing lugar.
Bandang ala-5:30 ng hapon naganap ang naturang insidente habang nakaparada ang minamanehong tricyle ng biktima para maghintay ng pasahero nang biglang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ito ng malapitan.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril habang iniwan nakahandusay sa lugar ng insidente ang biktima na agad sinaklolohan ng kanyang pamilya.
Inaalam ng pulisya ang posibleng pagkakakilanlan ng tumakas na suspek at motibo sa krimen.
Sa talaan, lumilitaw na ito ang ikatlong insidente ng pamamaril sa Calamba City sa loob ng nakalipas na tatlong araw na ikinasawi ng tatlo katao. DICK GARAY
Comments are closed.