TRILLANES BUTATA SA SC

SEN-TRILLANES

BUTATA sa Supreme Court (SC) si Senador Antonio Trillanes matapos ibasura ang petisyon nito na humihiling na maharang ang Proclamation No. 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumabawi sa amnestiya na ipinagkaloob sa kanya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Batay sa resolusyon ng SC en banc, tanging ang  mababang korte ang may hurisdiksiyon na dinggin at pag-aralan ang kaso ni Trillanes dahil hindi “trier of facts” ang Korte Suprema.

Sinabi pa ng mataas na hukuman na mas makabubuti na hayaan na lamang ang Makati Regional Trial Court na resolbahin ang kaso laban kay Trillanes.

Kinikilala rin ng SC ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi aarestuhin si Trillanes hanggat walang inilalabas na warrant of arrest ang mga korte kung kaya walang nakikitang dahilan ang mataas na hukuman para magpalabas ng injunctive relief.

Binigyan diin pa ng SC na maging ang Armed Forces of the Philippines ay tiniyak na walang magaganap na court martial proceeding laban kay Trillanes hanggat hindi nadedesisyunan ang isinampang mosyon ng Department of Justice.

Una nang dumulog sa Korte Suprema si Trillanes para maharang ang pagpapatupad ng Proclamation No. 572 na nagbabawi sa ipinagkaloob na amnesty noong 2010 ni Dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Sa 36 pahinang petition for certiorari, nais ni Trillanes na mag-isyu ang Kor­te Suprema ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction laban sa Proclamation No. 572.

Iginiit ni Trillanes na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa bahagi ng pangulo ng kanyang ilabas ang kinukuwestiyong proklamasyon at iutos ang pag-aresto sa kanya sa kabila ng kawalan ng arrest warrant mula sa korte.

Dahil dito, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque  na wala nang balakid kung gustong arestuhin si Trillanes.

“Kung gusto pupuwede. Pero hindi po sinasabi na gagawin na,” tugon pa ni Roque nang tanungin kung aarestuhin na ng militar si Trillanes.

Sa ilalim ng  Proclamation No. 572, ay pinawalang bisa ni Pangulong Duterte ang amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes dahil sa kabiguang sumunod sa minimum requirements para sa pagkakaloob ng amnestiya kabilang na ang kabiguang mag-apply at pag-amin sa krimeng nagawa. TERESA TAVARES, EVELYN QUIROZ

Comments are closed.