CAMP AGUINALDO – NASA proseso pa rin ng pag-aaral ng court martial ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kaso ni Senator Antonio Trillanes IV.
Ito ang sinabi ng isang opisyal ng AFP na habang nasa civilian court pa ang kaso ni Trillanes ay maingat naman nilang pinag-aaralan ang kaso nito.
Aniya, may kakayahan ang AFP court martial na magpalabas ng arrest order na katumbas ng warrant of arrest.
Bagaman na-dimiss na noon sa serbisyo si Trillanes bilang navy officer dahil sa kasong rebelyon, bumalik sa hurisdiksiyon ng AFP court martial matapos na maipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnesty ng senador.
Inihalintulad pa ng opisyal ang kaso ni Trillanes sa kaso noon ni Retired Brig Gen Francisco Gudani na sinuway ang utos noon ni dating AFP chief of staff Gen. Generoso Senga na huwag dadalo sa ipinatawag na pagdinig ng senado kaugnay sa Hello Garci election fraud noong taong 2006.
Dahil dito, isinalang siya sa court martial ng AFP.
Isa ito sa pagbabatayan ng AFP court martial habang maingat na inaaral ang kaso na ngayon ay nasa civilian court pa.
Matatandaang kahapon ay inaresto ng mga opisyal at tauhan ng Makati City Police si Trillanes makaraang magpalabas ng warrant of arrest ang Makati Regional Trial Court Branch 150 dahil sa kasong rebelyon.
Subalit, nakalaya rin ang senador matapos magpiyansa ng P200,000. REA SARMIENTO
Comments are closed.