MULING ipinagpatuloy ang pagdinig ng Makati City Regional Trial Court (RTC) ang kasong rebelyon laban kay Senador Antonio Tril-lanes IV kahapon ng hapon.
Nagsimula ang pagdinig dakong alas-2:00 ng hapon sa sala ni Makati RTC Judge Elmo Alameda ng Branch 150 subalit “no show” o hindi naka-dalo si Trillanes na kung saan winave ng senador ang appearance nito.
Ang isinagawang pagdinig ay ang rebellion case na kaugnay sa 2007 Manila Peninsula Siege, na-dismiss na noong 2011, matapos na bigyan siya ng amnestiya ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, muling nabuhay ang kaso noong 2018.
Sa unang bahagi ng pagdinig ay humirit si Atty. Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes, na maglatag ng listahan ng mga testigo upang maiwasan ang mga sorpresang saksi.
Sa hirit ni Robles ay sinabi nito na ang listahan ng mga testigo ay nararapat na mayroon ding kopya para naman makapaghanda rin ang kampo ng senador bago ang susunod na pagdinig.
Sa hearing, isinalang sa witness stand si Assistant State Prosecutor Mary Jane Sytat at isinalaysay nito ang nangyari noong dinidinig pa ng Makati RTC branch 148 ang kasong kudeta ni Trillanes kaugnay naman sa Oakwood mutiny.
Giit ni Robles na “irrelevant” ang mga salaysay ni Sytat.
Magpapatuloy naman ang pagdinig sa Hulyo 22, dakong alas-2:00 ng hapon at dito magkakaroon ng cross examination ang depensa. MARIVIC FERNANDEZ