TRILLANES PINAARESTO NG KORTE

Ayon sa abogado ni Trillanes na si Atty. Reynaldo Robles, ang paglalagak ng piyansa ng senador ay naisakatuparan ilang oras matapos na mag-issue ng arrest at hold departure order (HDO) si Makati Regional Trial Court (RTC) Judge Elmo Alameda ng Branch 150 dahil sa pagkakasangkot nito sa 2007 Manila Peninsula siege.

Bago sumuko si Trillanes sa mga awtoridad, sinabi nito sa isang press conference sa Senado na katulad ng kanyang unang pahayag ay susuko siya sa awtoridad kapag nakapagpalabas ng arrest warrant laban sa kanya at kasunod ng kanyang paglalagak ng piyansa.

“Gaya ng sinabi ko, sasama ako sa arresting team pagka may warrant, no matter how unjust the warrant may be. Pero ‘yun ‘yon. After this dere-deretso na kaming magpo-post ng bail,” ani Trillanes.

Pinangunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief P/Director Guillermo Elea­zar ang pag-aresto kay Trillanes sa parking lot ng Senado kahapon ng hapon kung saan siya nanatili simula nang napabalitang pagkakansela ni Pangulong  Duterte ng kanyang amnestiya noong Agosto 31.

Si Trillanes ang ikalawang senador ng oposisyon na inaresto ng pulisya sa ilalim ng administrasyon ni Duterte matapos ang pagkakaaresto kay Senador Leila de Lima noong nakaraang taon sa kasong may kaugnayan sa droga.

Matatandaan na binawi ni Duterte ang amnestiya na ipinagkaloob kay Trillanes ni dating Pangulong Benigno Aquino III dahil sa hindi pagsusumite ng application form ng amnestiya at sa hindi pag-amin sa ginawang krimen.

Nag-ugat ang kaso nang okupahin ng Magdalo Group na pinangunahan ni Trillanes ang pag-ookupa ng Oakwood Luxury Apartments sa Makati City noong Hulyo 27, 2003 at makaraan ang apat na taon ay nag-walk out naman ang kanyang grupo sa   pagdinig sa korte sa Makati at okupahin ang Manila Peninsula Hotel.

Ang dalawang insidente ng pag-aaklas ng kanyang grupong Magdalo ay nagbunsod ng kanilang protesta sa umano’y korupsiyon noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Bukod sa kasong rebel­yon, isa pang kaso ng coup d’etat ang kinakaharap ng senador sa isa pang korte sa Makati kung saan kinasuhan din siya ng paglabag sa Articles of War 96 and 97 (conduct unbecoming an officer and a gentleman at conduct prejudicial to good order and military discipline.

Nagpalabas din  ng hold departure order (HDO) laban sa senador. MARIVIC FERNANDEZ, TERESA TAVARES

ITIGIL NA ANG DRAMA-ROQUE

“LET us stop the drama by presscon and allow the legal process to take its course.”

Ito ang apela ni Presidential Spokesman Harry Roque kay Senador Antonio Trillanes IV makaraang magpalabas ng warrant of arrest si Makati City Regional Trial Court branch 150 Presiding Judge Elmo Alameda.

Ayon kay Roque iginagalang ng Malakanyang ang desisyon ng Hudikatura sa mosyong inihain ng Department of Justice kaugnay sa kasong kinakaharap ni Trillanes.

“The court has spoken”, wika ni Roque.

Sinabi pa ni Roque na kung ano man ang nais sabihin ni Trillanes ay mas makabubuting idulog na lamang ito sa korte.     EVELYN QUIROZ

Comments are closed.