NAIS ni Solicitor General Jose Calida na humingi ng paumanhin sa kanya si Senador Antonio Trillanes IV, matapos siyang akusahan ng senador ng umano’y pagnanakaw sa aplikasyon nito sa amnestiya.
Nagbanta rin si Calida na kung hindi hihingi ng paumanhin sa kanya si Trillanes ay sasampahan niya ito ng kasong kriminal na libel at hihingi siya ng danyos sa senador dahil sa paninirang-puri nito sa kanya.
“Unless Mr. Trillanes expresses his sincere apology for calling me a thief, I shall be constrained to file a criminal case for libel plus damages against him,” ayon kay Calida.
Una nang inakusahan ni Trillanes si Calida na siyang nasa likod ng pagkawala ng kanyang application form para sa amnesty.
Ibinase ng senador ang pahayag sa sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mismong si Calida ang tumawag sa kanya at humingi ng mga dokumento na may kinalaman sa kanyang amnestiya.
Kasunod nito ay humingi si Calida ng sertipikasyon na nagsasaad na hindi na makita ang application form ng senador.
Hinamon pa ni Trillanes ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na manindigan sa tama at patotohanan na nag-apply siya ng amnestiya. ANA ROSARIO HERNANDEZ