SA mahigit isang buwang nalalabi para magpasya ang sambayanan sa bagong iluluklok na pangulo ng Pilipinas sa Mayo 9, 2022, ang pinakamabigat na kakaharapin nitong suliranin ay ang pagkakautang ng bansa na maaaring umabot sa P13 trilyon, batay sa datos na ipinalabas ng Bureau of the Treasury (BTr).
Ito ang itinuturing na pinakamalaking utang ng bansa kung saan umabot sa P12 trilyon ang utang sa pagpasok ng buwan ng Enero 2022 at inaasahang aabot sa P13 trilyon bago matapos ang taong ito.
Ang utang panloob ng bansa na 69.6 porsiyento ng kabuuan ay tumaas ng 2.4 porsiyento buwan-sa-buwan hanggang pumalo sa P8.37 trilyon matapos palawigin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang P300 bilyong provisional advances sa BTr para suportahan ang budget ng national government.
Bunsod ito ng P197 bilyon na local debt noong buwan ng Enero na isinaalang-alang din ang mga treasury bills at mga bono na nag-mature ng nasabing buwan at ang year-on-year domestic obligations ay umakyat naman sa 14.2% mula sa P7.33 trilyon noong Enero 2021.
Ang foreign debt ay tumaas ng 2.9% month-on-month sa P3.66 trilyon at isinisi ng BTr ang mas mataas na panlabas na obligasyon sa mas mahinang piso na nagdagdag ng P11.2 bilyon at nakabawas naman ng utang sa denominasyon sa iba pang foreign currency na nagpalakas laban sa U.S. dollar.
Bumaba ang halaga ng piso sa P51.135 laban sa greenback noong katapusan ng Enero mula sa P50.974 noong Disyembre 2021.
Ayon sa BTr, ang Pilipinas ay humiram din ng P94.9 bilyon mula sa mga dayuhang nagpapautang nitong Enero. Ito ang nagtulak sa panlabas na utang na tumaas sa 22% taon-taon mula sa mahigit P3 trilyon noong Enero, 2021.
Nasa 30.4% sa kabuuan ang pagbaba sa bahagi ng dayuhang utang dahil inuna ng Pilipinas ang lokal na pangungutang upang hindi lamang mapawi ang panganib sa forex, kundi upang samantalahin na rin ang tinatawag na ‘oozing liquidity’ sa domestic financial market.
Batay sa datos ng BTr, sa P12.03 trilyong utang noong Enero, P8.35 trilyon o 69.4% ang peso-denominated. Ang debt securities gaya ng T-Bills at Bonds na inisyu dito mula sa ibang bansa ay umaabot sa P10.06 trilyon, habang ang pautang sa bilateral development partners, pati na rin ang mga multi-lateral banks ay nagkakahalaga ng P1.97 trilyon.
Sa pahayag ng BTr, ang gobyerno ay hihiram ng P2.2 trilyon ngayong taong ito. Ang panibagong uutangin ay magtataas sa record ng utang sa P13.42 trilyon sa pagtatapos ng 2022 mula sa P11.73 trilyon noong 2021.
Ang panlabas at panloob na utang ng bansa ang pangunahing suliranin ng mga presidential candidate sa May elections kung sinuman ang papalaring magwagi kina former presidential spokesman Ernesto Abella, Labor leader Leody De Guzman, former Defense Secretary Norberto Gonzales, Senators Ping Lacson at Manny Pacquiao, former Senator Ferdinand Marcos, Jr., Manila Mayor Isko Moreno at Vice President Leni Robredo.
Magugunita na buwan ng Agosto 2021 nang itaya ng gobyerno ang posibilidad na pumalo sa P13 trillion mark ang outstanding debt ng Pilipinas sa taong 2022. Ang bagay na ito ay pumupuwersa sa gobyerno na bagalan ang paghiram ng salapi mula sa mga lokal at dayuhang financiers ng halos 20% dahil indikasyon ito na ang gobyerno ng Pilipinas ay baon na sa utang.
Ang BOC (Bureau of Customs) at BIR (Bureau of Internal Revenue), ayon kay Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, ay kapwa naka-meet ng kani-kanilang tax collection goals, batay sa report sa kanya nina Commissioners Rey Guerrero (BOC) at Caesar ‘Billy’ Dulay (BIR).
Kasama sa Top 10 Regional Directors (RD) sina: Jerry Dumayas/Corazon Balinas (Caloocan City), Albin Galanza (Quezon City), Ed Tolrentino (East NCR), Jethro Sabariaga (Manila), Florante Aninag (CaBaMiRo), Greg Buhain (LaQue-Mar) at Eduardo Pagulayan, Jr. at Saripoden Bantog ng (South NCR).
Nasa ‘overall topnotchers’ naman sina Revenue District Officers Rufo Ranario (East Makati), Bethsheba Bautista, Deogracias Villar, Jr. (Pasig City), Cynthia Lobo (Mandaluyong City), Abdullah Bandrang (Marikina City), Rodel Buenaobra (Novaliches), Arnulfo Galapia (North QC), Antonio Ilagan (South QC), Alma Celestial Cayabyab (Cubao QC), Antonio Mangubat, Jr. (East Bulacan), Timm Renomeron (Caloocan City), Teresita Lumayag (Binondo), Emilia Combes (Tondo) at iba pa.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].