TRILYONG INVESTMENT SA 2023

KUMPIYANSA ang pamahalaan na magbubunga ng hanggang P1 trilyon ang agresibo at madiskarteng global pitch ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibang bansa.

Ito ang pahayag ng Department of Trade and Industry-Bureau of Investments (DTI-BOI) at umaasang maabot ang P1 trilyong investment approvals target para sa 2023.

Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na nakuha na ng gobyerno ng Pilipinas ang halos kalahati ng buong taon nitong target para sa investment approvals anim na linggo lamang sa simula ng bagong taon.

Ang kabuuang investment projects na inaprubahan ng lead investment promotion agency ay umabot sa P414.3 bilyon base sa pinakahuling BOI figures, o noong Pebrero 09, 2023, lumakas ng 142.9 percent kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon kung kailan ito nakapagtala ng P170.5 bilyon.

Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual, may potential investment leads pa ang ahensiya na humigit-kumulang P344 billion na ipoproseso pa rin.

“And more likely, than ever, we may have 80 to 90 percent of the target even before the middle of the year,” ani Pascual.

Ang pagtaas ng mga pamumuhunan, ayon kay Pascual ay nagpapatunay na ang mga promotional visits ng administrasyong Marcos sa ibang bansa ay gumagana dahil ang dumaraming bilang ng mga mamumuhunan mula sa buong mundo, partikular sa Southeast Asia, United States, Belgium, China at Japan, ay nagpakita ng matinding interes sa paglalagay ng mas maraming pamumuhunan sa bansa.

Binanggit din ni Pascual na ang mga pag-apruba ng dayuhang pamumuhunan ng BOI ay mas mahusay na gumanap, na umakyat sa P163 bilyon sa parehong panahon, isang 65,436 porsyento na paglago mula lamang sa P249 milyon sa parehong timeline noong 2022.

Batay sa pinakabagong mga numero ng BOI (Enero hanggang Pebrero 9, 2023), ang bulto ng dayuhang kapital ay mula sa Germany na may Php157 bilyon, sinundan ng Netherlands (Php2.7 bilyon), Japan (Php524 milyon), United States (Php509 milyon) at United Kingdom (194 milyon).

Nananatiling nangunguna ang sektor ng renewable energy/power, na may Php398.7 bilyon sa mga pag-apruba hanggang sa kasalukuyan, tumaas ng 138 porsiyento mula sa parehong panahon noong nakaraang taon na may Php167.9 bilyon.

Sinabi ni Pascual na ang mga agresibong pagsisikap sa pagsulong ng pamumuhunan sa pangunguna ni Pangulong Marcos ay kinukumpleto ng malakas na pagganap ng ekonomiya ng bansa na may 7.6 porsyento na paglago ng GDP.

Kamakailan ay sinelyuhan ni Pangulong Marcos ang $13 bilyong halaga ng mga kasunduan sa kanyang limang araw na pagbisita sa Japan. EVELYN QUIROZ