HALOS may isang daang kinatawan mula sa manggagawa, mamumuhunan, at pamahalaan ang dumalo sa orientation session sa Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties na pinangunahan ng Department of Labor and Employment Regional Office 1 (DOLE RO1) at ginanap kamakailan sa San Fernando, La Union.
Ang aktibidad ay bahagi ng pambansang paglulunsad ng Kagawaran ng Paggawa na naglalayong ipamahagi ang mga alituntunin sa mga rehiyon upang isulong ang malalim na pang-unawa at matiyak ang epektibong implementasyon nito.
Ang pang-umagang sesyon ay dinaluhan ng 53 kinatawan mula sa pampublikong sektor at unyon, kabilang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Commission on Human Rights (CHR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Civil Service Commission (CSC), Department of Justice (DOJ), at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Samantala, 41 mula sa mga pribadong kompanya ang dumalo, tulad ng Sumi North, Pepsi Cola, Coca-Cola, at iba’t ibang security agency sa pang-hapon na sesyon para sa pribadong sektor.
Pinasalamatan ni DOLE RO1 Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman ang mga stakeholder sa kanilang partisipasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng kanilang pangako na poprotektahan at itataguyod ang kalayaan ng asosasyon.
Binigyang-diin din niya na ang matatag na kapayapaang pang-industriya sa rehiyon ng Ilocos ay bunga ng malakas na tripartite mechanism ng DOLE.
Tinalakay ni Regional Focal Susan Maynes ang pangkalahatang ideya ng aktibidad, kung saan kanyang binalangkas ang mga layunin at kahalagahan na maitaguyod ang kalayaan ng asosasyon; ipinaliwanag naman ni Ginoong Danilo Balino ng CHR ang mga pangunahing prinsipyo ng karapatang pantao na nagpoprotekta sa mga manggagawa; tinalakay ni Atty. Patrick Chad Guzman ang mga alituntunin ng “Omnibus Guidelines”; at si DOLE RO1 Mediator-Arbiter Atty. Amado Gasmin ang nagpaliwanag ng mga tungkulin ng Inter-Agency Committee, International Labor Organization (ILO) Convention 87, mga probisyon sa paggawa sa kalayaan ng asosasyon, at ang Regional Tripartite Roadmap sa Freedom of Association.
Nagbigay suporta rin sa paglulunsad sina PNP RO1 Regional Director PBGen Lou F. Evangelista, Ginoong Angeles B. Geñorga Jr., ng NICA, at 1st Lt. Rhenmar M. Yandog ng AFP, kung saan kanilang binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagsisikap na palakasin ang koordinasyon at pagsunod sa alituntunin sa kalayaan ng asosasyon sa buong rehiyon.