TRO NG TAGUIG RTC

magkape muna tayo ulit

Natatandaan ko pa noong 2019, si da­ting Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin ay pinaalalahanan ang mga trial court judges na sumunod sa mga alituntunin sa pagpapalabas ng temporary restraining order o TRO at sa pagpapalaya ng mga personalidad na may malakas na ebidensya na sangkot sa ilegal na droga. Kung makita ng Korte Suprema ng pang- aabuso sa paglabas ng TRO o paglaya ng mga tao na may kaso sa droga, tiniyak na haharap ang mga nasabing hukom ng kasong administratibo.

Tinutukoy ni Bersamin ay ang Administrative Circular 07-99 na inilabas noong 1999 noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada kung saan pinaaalalahanan niya ang Hudikatura  tungkol sa Presidential Decree No. 1818 na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng TRO sa mga proyektong impraestruktura ng gob­yerno.

Inayudahan ito ng Korte Suprema upang hindi mabahiran ang imahe ng ating korte at mga hukom sa mga mahahalagang proyekto na makatutulong umusad ang progreso ng ating bansa.

Noong 2020, ganito rin ang posisyon ni SC Chief Justice Diosdado Peralta na higpitan ang pagpapalabas ng mga TRO, status quo ante orders (SQAs), writs of preliminary injunction (WPIs), at orders of voluntary inhibition.

Hindi po ako abogado, ngunit idinidikit ko lamang ang isyung maaaring maiugnay sa isang kautusan mula sa Taguig Regional Trial Court (RTC) at nagpalabas ng TRO upang ihinto ang  tinatawag na Competitive Selection Process (CSP) ng Meralco para sa karagdagang 1,000 MW na suplay ng koryente.

Ito nga ay binatikos ng consumer lawyer Pa­ris G. Real at itinuro ang Malampaya consortium na pilit nitong pigilan ang nasabing CSP.

Ayon kay Real, nagtataka siya kung bakit naglabas ng TRO ang Taguig RTC sa hiling ng Malampaya consortium samantalang hindi naman ito talaga direktang partido o lumahok man lang sa bidding.

“Malinaw na napatunayan sa pagdinig sa RTC na ang Energy Regulatory Commission, hindi ang mga regional trial court, ang may eks­klusibong hurisdiksyon na dinggin ang mga kaso sa pagitan ng mga kalahok sa sektor ng enerhiya. May awtoridad din ang ERC na mag-isyu ng cease and desist orders, kung kinakailangan,” ayon kay Real, isa sa intervenors sa kaso na kumakatawan sa mga consumer ng koryente.

Dagdag pa ni Atty. Real na hindi maaaring isakripisyo ang interes ng mga Pilipino konsyumer para lamang paboran ang interes ng negosyo. Dagdag pa niya, hindi naman generation company ang Malampaya consortium at wala itong karapatang ipatigil ang bidding dahil hindi naman ito direktang nangongontrata sa Meralco.

Nakapagtataka rin at dinagdagan pa ng Taguig RTC ng 20 days ang pagpapatupad ng TRO mula sa 72 hours. Ano ba ang nais na maliwanagan ng korte sa isyung ito? Nagtatanong lang po ako.

Ang CSP ay isang polisiya ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nasa ilalim ng Department of Energy. Ang ERC ay isang quasi judicial body na dumidinig ng mga ganitong kaso tungkol sa enerhiya upang masiguro na hindi madedehado ang ating mga konsyumer.

Ang tinatawag na CSP para sa akin, ay isa sa mga mahahalagang programa ng gob­yerno upang makasiguro na patuloy ang suplay ng koryente sa ating mamamayan sa pinakamura at pinakamababang presyo ng koryente. Eh bakit ipinahinto ito ng korte!

Isiniwalat pa ni Atty. Real na ang nasabing plaintiff ay hindi naman generation company kundi mga explorer/producer ng gas. Para sa kanya, walang legal na personalidad upang kwestiyunin ang proseso ng bidding na tanging mga generation companies lamang ang maaaring lumahok – lalo na’t ang mga mismong bidders, kabilang ang mga kliyente ng plaintiffs, ay hindi kinukwestiyon ito.

Ang CSP nga ay isang polisiya ng Department of Energy (DOE) na nag-uutos sa lahat ng distribution utilities (DUs) tulad ng Meralco na kumuha ng koryente nang walang diskriminasyon o paboritismo at sa pinakamababang halaga.

“Lumabas sa isinagawang pagdinig na ang DOE mismo ang nag-uutos na ang mga bidding process ay hindi dapat tumukoy sa isang partikular na uri ng teknolohiya o planta ng koryente. Malinaw ang legal na mandato para sa Meralco na mag-supply ng kor­yente sa mga customer nito sa pinakamababang halaga. Inamin ng mga plaintiffs na ang tanging batayan sa panalo sa CSP ng Mralco ay ang presyo, ngunit ipinipilit nila na dapat bigyan ng pabor ang mga gumagamit ng indi­genous gas,” sabi ni Real.

Ang pakiramdam ko tuloy ay tila kulang sa masusing pag-aaral ng korte tungkol sa kalakaran ng ating industriya ng enerhiya. Sana ay hindi rin ito nakapaloob sa kautusan ng Korte Suprema tungkol sa maluwag na pagpapalabas ng TRO upang mapaboran lamang ang iilan at hindi para sa kapakanan ng nakararami.