NAGHAIN ng temporary restraining order (TRO) si Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa Supreme Court laban sa ‘provincial bus ban’ ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA.
Sakop ng bus ban ang paglilipat ng bus terminals sa Valenzuela City para sa mga bus mula sa hilaga, at sa Sta. Rosa, Laguna para naman sa mga galing timog. Ang layo ng Sta. Rosa sa Maynila ay halos 39 kilometro.
Tinawag ni Salceda ng “anti-majoritarian, anti-proletariat, anti-probinsiyanong mahihirap ang bus ban ng MMDA, na ayon sa kanya ay hindi so-lusyon sa masikip na trapik sa Metro Manila, at lilikha lamang ng ibayong pahirap, dagdag na oras at perhuwisyo sa mga ‘provincial commuters.’
“Ipagbabawal ng MMDA ang 6,000 provincial bus na ilang oras lang ang inilalagi sa Maynila ngunit hahayaan namang palitan sila ng 20,000 iba’t ibang sasakyan sa EDSA, kasama ang bagong itim na 14,000 Premium taxi (na hindi pa alam kung sino ang may-ari) na may P70 ‘flag down rate, 2,000 bagong P2P bus at libo-libong UV Express van. Anong klaseng solusyon ito?” tanong niya
Ayon kay Salceda, dapat balansehin ang magkakaibang interes at dapat papanaigin ang lalong nakararami. Ang nakataya rito, dagdag niya ay interes ng 13 milyong pasahero mula sa Kamaynilaan at 50 milyon o 74% ng mahihirap na Pinoy mula sa Luzon, na lalo pang pahihirapan.
“Inamin mismo ni MMDA Traffic Manager Bong Nebrija ang kabanuan ng bus ban sa EDSA nang aminin niyang pinagpasiyahan ito ng MMDA at Metro Manila Council (MMC) nang walang konsultasyon sa publiko noong Enero,” pahayag ng mambabatas.
Nakatakdang ipatupad ng MMDA ang ban simula ika-1 ng Hunyo. “Lalong palalalain lamang ng bus ban ang trapik sa EDSA dahil ni hindi sinabi ng MMDA sa MMC na 235,000 o 72% ng 330,000 sasakyan sa EDSA ay drayber lamang ang sakay ngunit higit nilang gustong pahirapan ang mga provincial bus na 2% lamang ng mga sasakyang dumadaan sa EDSA,” dagdag ni Salceda.
Ipinaliwanag ni Salceda na sa buong mundo, maging sa New York o sa Tokyo, ang mga provincial bus terminal ay nasa gitna mismo ng lungsod dahil higit na pinahahalagahan ang ‘public transport’ kaysa mga pribadong sasakyan. Dito sa Kamaynilaan, 6,000 provincial bus lamang ang buma-biyahe at kaunti lang ang nasa lungsod anumang oras, kung ihahambing sa 2.8 milyong sasakyang nananatili sa lungsod, puna niya.
“Bakit naman pinipiling pahirapan ang mga pobreng probinsyano para tugunan ang gulo ng trapik sa Manila traffic? Mga 50 pasahero ng bus sa-mantalang lima lang ang kaya ng kotse. Ang dapat harapin ng MMDA ay ang 800,000 utility vehicles, 400,000 kotse, 120,000 trak at 1.4 million tray-sikel na nagaagawan ng espasyo sa Kamaynilaan,” dagdag ng mambabatas.
“Ang tiyak, hindi bilang ng mga provincial bus ang sanhi ng magulong trapik sa Kamaynilaan kundi kawalan ng disiplina ng mga drayber,”pahayag pa ng mambabatas.
Comments are closed.