Butata si Sidney Onwubere ng Barangay Ginebra laban kay Jansen Rios ng Meralco sa kanilang laro sa PBA On Tour noong Miyerkoles sa UST Gym sa Manila. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro ngayon:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Phoenix vs Converge
7:30 p.m. – TNT vs San Miguel
NASA parehong sitwasyon ngayon ang San Miguel Beer at TNT sa PBA On Tour.
Ang dalawang champion teams ay kapwa hindi kasama ang kanilang core groups, kaya hindi nakapagtataka na nagkukumahog sila sa preseason event.
Ang San Miguel, ang Philippine Cup titlist, ay may 2-6 kartada, habang ang TNT, ang Governors’ Cup champ, ay wala pang panalo sa limang laro.
Nakatakda ang kanilang salpukan ngayong Biyernes, alas-7:30 ng gabi, sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Maganda ang naging simula ni coach Jorge Gallent at ng kanyang tropa (2-1), ngunit natalo sa lahat ng kanilang sumunod na limang laro. Naglaro ang Beermen na wala sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Vic Manuel, Marcio Lassiter at Chris Ross.
Ganito rin ang kaso ng Tropang Giga na hindi kasama sina Jayson Castro, RR Pogoy, Mikee Williams, Kelly Williams at Poy Erram.
Malaki ang numero ni Glenn Khobuntin, ngunit hindi sapat para maiahon ang Tropa.
Ang katanungan ay kung sino ang makakaahon at kung sino ang mananatiling nakalugmok sa salpukan ng dalawang kampeon.
Nalasap ng Beermen ang ika-5 sunod na talo sa 101-103 heartbreaker laban sa Blackwater Elite noong Linggo.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay maghaharap ang Phoenix at Converge.
Kapwa target ng Fuel Masters at FiberXers na makabawi sa pagkatalo sa kanilang huling laro at ang ika-4 na panalo overall sa walong laro.
Ang Fuel Masters ay galing sa heartbreaking 90-92 setback sa Blackwater noong nakaraang June 25.
Yumuko naman ang FiberXers sa Rain or Shine, 110-127, noong nakaraang June 30.
-CLYDE MARIANO