Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. – TNT
vs Ginebra
DETERMINADO si Rondae Hollis-Jefferson at ang kanyang teammates na huwag nang pahabain pa ang serye.
At sasakay sila sa momentum ng tambak na panalo sa Game 1 at sa krusyal na follow-up win sa Game 2 sa kanilang pagtatangka na ibaon pa ang Barangay Ginebra Kings sa isang All Saints’ Day showdown ngayong Biyernes sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi kung saan isa pang panalo para kay coach Chot Reyes at sa kanyang tropa ay lalapit sila sa back-to-back PBA Governors’ Cup championships.
Si RHJ at ang kanyang teammates ay 17-4 overall sa torneo, natalo lamang ng dalawang beses sa elims at tig-isa sa quarterfinals at semifinals kontra NLEX at Rain or Shine.
Sila ay 2-0 kontra Gin Kings sa likod ng matinding depensa at mainit na shooting mula sa three-point area.
Kinuha ng Tropang Giga ang Game 1, 104-88, na may 12 three-pointers laban sa dalawa lamang ng Ginebra. Sa Game 2, ang TNT ay nagbuhos ng 14 tres laban sa pito ng Kings.
Si Hollis-Jefferson ang nasa sentro ng kanilang pananalasa sa torneo. Noong Miyerkoles, kumamada siya ng 37 points, 13 rebounds at 7 assists sa isang no-relief job — ang kanyang kahanga-hangang laro na tinampukan ng PBA personal best na anim na tres.
“It’s basically a shift in the mindset,” sabi ni Hollis-Jefferson hinggil sa kanyang three-point shooting.
Sinabi niya na ginamit ni Ginebra coach Tim Cone ang parehong istratehiya laban sa kanya bilang import ng Jordan sa huling Asian Games gold medal-match at ginawa ang kanyang parte upang kontrahin ito.
“In the Asian Games they forced me to shoot a lot of threes and they beat us for the gold medal. We talked about that and I know that’s going to be the game plan now and they’re willing to live with that the whole game,” ani Hollis-Jefferson.
“But I’m a professional player; I work on it (outside shooting) every day. I believe in it, my coaches and teammates believe in it.”
Ang shiftiness at creativity ni RHJ, bukod sa kanyang shooting, ang naging problema para sa Ginebra lalo na sa pagkawala ni Jamie Malonzo.
“Rondae was amazing,” wika ng Ginebra coach, inaming hindi pa siya nakakahanap ng formula para pigilan ang TNT juggernaut.
“I don’t know what’s going on. I’m totally being outcoached and outclassed by Chot,” ani Cone.
Gayunman ay tiyak na patuloy na hahanap si Cone ng paraan.
CLYDE MARIANO