‘TROPA’ TODO PAGHAHANDA SA FINALS

IKINATUWA ni Chot Reyes ang ilang araw na pahinga ng TNT bago sumabak sa PBA Philippine Cup finals.

Matapos ang pisikal at matinding semifinal series ng Tropang Giga kontra Magnolia Hotshots, sinabi ni Reyes na ang break bago ang best-of-seven title series ay tiyak na isang malaking kaluwagan sa kanyang pagal nang koponan.

“It’s very big for us. As you can see, we’ve got a lot of players who are banged-up. So that extra break would really come in handy,” sabi ng TNT mentor.

Nakopo ng defending champions ang ikatlong sunod na all-Filipino finals appearance makaraang tapusin ang kanilang best-of-seven semis series kontra Hotshots, 4-2, sa pamamagitan ng 87-74 panalo sa Game 6 noong Linggo ng gabi.

Ang Tropang Giga ay makapagpapahinga ng ilang araw habang naghihintay sa mananalo sa sudden-death sa pagitan ng top seed San Miguel at ng Meralco sa Miyerkoles.

Bumanat ang Bolts ng 16-2 endgame run upang makumpleto ang dramatic 96-92 victory kontra Beermen at maitabla ang kanilang sariling semis series sa 3-3, na nagbigay-daan sa do-or-die encounter.

Kasama ang kinakailangang break, sinabi ni Reyes na gagamitin ng TNT ang pagkakataon para makapaghanda “physically at mentally” sa inaasahan niyang isa na namang mabigat na series na mas malaki ang nakataya.

“(That’s) not only to rest but also to prepare,” sabi ng champion coach.

“I haven’t really taken a look at the other series. I caught glimpses, here and there, but now at least, we can take a look.”

CLYDE MARIANO