TROPANG GIGA ANGAT SA 2-1

Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – San Miguel vs Meralco
6 p.m. – TNT vs Magnolia

ISINALPAK ni Jayson Castro ang isang three-point shot na nagbigay sa TNT Tropang Giga ng 93-92 panalo kontra Magnolia Chicken Timplados Hotshots at ng 2-1 bentahe sa PBA Philippine Cup best-of-seven semis series kagabi sa Araneta Coliseum.

Makaraang bigyan ni Mark Barroca ang Hotshots ng kalamangan, kinuha ni Castro ang bola, nag-dribble sa kahabaan ng court bago kalmadong ipinasok ang game-winner, wala nang tatlong segundo ang nalalabi.

Naging opisyal ang pagresbak ng Tropang Giga mula sa 88-92 loss sa Game 2 ng best-of-seven series noong Biyernes nang kapusin ang tira ni Paul Lee mula sa halfcourt.

Inamin ni winning coach Chot Reyes na isa itong play na hindi “specifically designed”, ngunit bunga ng kanyang instruction sa huli nilang pagsasang-usapan sa timeout ng Magnolia sa huling 17 segundo ng laro.

“We spoke briefly about our defense, but we focused on our offense, what we were going to do after,” sabi ni Reyes. “Because whatever happens, whether Magnolia scores or not, we had to score. That was ran exactly the way we wanted, quick inbound to Jayson and the bigs giving him the screen.”

Naitala ni Castro ang huling anim na puntos ng TNT upang tumapos na may 16 points at 6 assists, bilang suporta sa game-high 22 points at 8 rebounds ni Poy Erram.

Makaraang hindi makaiskor sa Game 2, kumubra si Glen Khobuntin ng 15 points at 9 rebounds, habang ang kanyang points output ay napantayan ni Mikey Williams, na nagbigay rin ng 10 assists.

Natabunan ng game-winner ni Castro ang kabayanihan ni Barroca na binitbit ang Magnolia makaraang magkasunod na ma-foul out sina Calvin Abueva at Ian Sangalang.

Nanguna si Abueva para sa Magnolia na may 18 points, 5 rebounds at 6 assists habang nagdagdag si Sangalang ng 17 points at 9 boards.

Nag-ambag si Barroca ng 15 points habang nagtala si Aris Dionisio ng kanyang sariling near-double-double na 10 markers at 8 caroms.

CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (93) -Erram 22, M.Williams 15, Castro 16, Khobuntin 15, Rosario 8, Pogoy 7, K.Williams 7, Montalbo 3, Reyes 0, Ganuelas-Rosser 0.
Magnolia (92) -Abueva 18, Sangalang 17, Barroca 15, Dionisio 10, Dela Rosa 9, Lee 9, Wong 6, Jalalon 4, Corpuz 2, Laput 2, Escoto 0.
QS: 18-24, 47-41, 66-73, 93-92.