PALALAKASIN ni dating Texas-El Paso stalwart McKenzie Moore ang reigning Philippine Cup champ TNT Tropang Giga sa pagtatangka ng koponan na makopo ang season double championship.
Si Moore ay nasa listahan ng PBA imports na pinayagang makapasok ng bansa ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Inter-Agency Task Force ( IATF).
Isang 6-foot-6 guard, ang Santa Rosa, California native ay una nang naging import ng TNT sa 2019 East Asia Super League sa Macau.
Bago nakipagpartner kay KJ McDaniels bilang TNT reinforcements sa Macau tilt, si Moore ay ipinakilala sa Filipino basketball fans sa pagtulong sa Mighty Sports sa perfect run sa 2019 Jones Cup sa Taipei.
Si Moore ay kasama ni Mikey Williams sa naturang koponan na kinabibilangan din nina Roosevelt Adams, Aaron Black, Joseph Yeo, Gab Banal at dating PBA imports Renaldo Balkman, Hamady NDiaye, Zach Graham at Eugene Phelps.
Ang 29-year-old ay isang seasoned international campaigner na nakapaglaro na sa New Zealand, Belgium, Greece, Russia, Turkey at Poland.
Galing siya sa Israeli Premier League kung saan naglaro siya para sa Ironi Nahariya.
Masusubukan ang husay ni Moore sa kanyang nalalapit na PBA stint kontra sa mga subok nang import, sa pangunguna ni Justin Brownlee ng Barangay Ginebra.
Ang iba pang magbabalik na imports ay sina Magnolia’s Mike Harris (Alaska, 2017-18 Governors’Cup), Phoenix’ Paul Harris (TNT, 2011, 2012, 2014 Governors‘ Cup; Barangay Ginebra, 2016 Governors‘ Cup), Rain or Shine’s Henry Walker (Alaska, 2014 Governors’ Cup; NLEX, 2016 Governors’Cup; Blackwater, 2017 Governors’ Cup, 2018 Commissioner’s Cup), San Miguel Beer’s Brendan Brown (Phoenix, 2017 Governors’ Cup), KJ McDaniels ng NLEX (TNT, 2019 Governors’ Cup) at Alaska’s Olu Ashaolu (NLEX, 2017-18 Commissioner’s Cup, 2019 Governors’ Cup).
Ang Tropang Giga ay umabot sa finals sa huling Commissioner’s Cup (2019) subalit yumuko sa San Miguel Beermen sa anim na laro sa best-of-seven series. CLYDE MARIANO