NATAKASAN ni Kelly Williams ng TNT ang mga defender mula sa Magnolia sa kanilang laro sa PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium. PBA PHOTO
NAKABAWI ang TNT nang dispatsahin ang Magnolia, 98-93, at kinuha ang isang puwesto sa quarterfinals ng PBA Philippine Cup nitong Linggo.
Nagbalik si Kelly Williams at pinangunahan ang Hotshots na may 19 points habang bumawi si Jason Castro mula sa masamang performance sa kanilang huling laro sa pagkamada ng 18 points upang tulungan ang Tropang Giga na umusad sa playoffs.
Sa panalo ay naibsan kahit paano ang sakit ng 107-103 upset ng TNT sa mga kamay ng also-ran Converge noong nakaraang linggo na pumigil sa pagmartsa nila sa susunod na round.
Minabuti ni coach Chot Reyes na hindi paglaruin si Williams laban sa FiberXers dahil sa back issue, habang nalimitahan si Castro sa 4 points.
“It’s a very calculated risk on our part not to play Kelly the last time because he has back issues. And as you can see, Jason is not near 100 percent,” sabi ni Reyes sa post-game interview.
“But today we have a full Kelly and a full Jason. And hopefully, we could bring these to the next games that we’re going to face in the playoffs. They’re both a huge part of what we want to do as a team.”
Kasunod ng panalo, kinuha ng TNT ang no. 4 seed at makakaharap ang no. 5 Rain or Shine sa best-of-three series sa playoffs na magsisimula sa Biyernes.
Nagbuhos si Mark Barroca ng game-high 22 points para sa Magnolia, na maaaring mahulog sa no. 6 o 7 depende sa resulta ng Barangay Ginebra-NLEX match sa ikalawang laro.
Subalit ang maaaring pinakamataas na pagtatapos ng Hotshots ay no. 6 para sa quarterfinal match up sa second seed Barangay Ginebra, na may twice-to-beat advantage.
Lumamang ang TNT ng hanggang 56-38 sa third quarter, bagama’t humabol ang Magnolia at nagbanta sa final period.
Isang three-point shot ni Aris Dionisio ang nagtapyas sa deficit sa 89-83, subalit bumanat si Castro ng ilang clutch baskets sa stretch upang makalayo sa Magnolia.
“We really approached this game as the start of the playoffs already. Let’s not wait the following day or the end, but we said this is the start of our playoffs,” sabi ni Reyes.
CLYDE MARIANO
Iskor:
TNT (98) — K.Williams 19, Castro 18, Heruela 13, Oftana 12, Ponferrada 10, Pogoy 7, Khobuntin 7, B.Ganuelas-Rosser 4, Montalbo 4, Aurin 2, Galinato 2, Varilla 0.
Magnolia (93) — Barroca 22, Sangalang 21, Dionisio 14, Dela Rosa 9, Abueva 7, Jalalon 6, Balanza 5, Lee 3, Laput 2, Reavis 2, Tratter 2, Eriobu 0, Mendoza 0.
QS: 16-14; 47-36; 80-65; 98-93.