ZAMBOANGA DEL NORTE-UMABOT sa sampu katao ang nasawi habang walong iba pa ang malubhang nasugatan nang sumemplang sa gilid ng kalsada ang sinasakyan nilang cargo truck na puno ng copra sa Baliguian ng nasabing lalawigan.
Ayon sa Police Regional Office 9, nagpapatuloy pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa nangyaring pagbaliktad ng truck na hinihinalang overloaded dahil sa dami ng kargang kopra at sakay na tao.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ronaldo Hadjal, truck driver; pahinanteng si Adjie Hadjal gayundin ang mga sakay nito na sina Marcelina Taga Humunong, Mesterio Ondog
Suales, Insing Chiong Ompia, Analyn Budong, Alicita Asdai Abong,Marciano Imbal Ansali, Jonie Ansali Salibat at Christy Timtim Sandigo.
Sa ulat ng pulisya, patungo ang kulay pulang truck sa bayan ng Labason mula sa Brgy. Milidan sa Baliguian nang nahulog sa gilid ng kalsada sa bahagi ng Sitio Quary sa Brgy. Mamawan ng nasabing bayan.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na habang tinatahak ng truck pababang bahagi ng kalsada ay biglang nawalan nang kontrol ang driver sa manibela.
Hinala ng mga nakaligtas na mabilis ang kanilang takbo at nawalan ng preno ang kanilang sinasakyan kaya bumulusok sila sa gilid ng kalsada na may 20 metro ang lalim. VERLIN RUIZ