TRUCK DRIVER MAS KUMITA NANG MAGING TAXI DRIVER

NAUWI sa pagiging isang taxi driver ang isang ama mula sa kanyang dating trabaho na truck driver ng dahil sa pandemya.

Ito ang kuwento ni Alvin Sager, 32-anyos, tubong Mindoro ngunit kasalukuyang naninirahan sa Cavite at mayroong apat na anak.

Sa ating panayam kay Alvin, isang taon na rin nang lumipat siya sa pagiging taxi driver upang mabuhay ang kanyang apat na anak.

Nasa P540 lamang ang kita ni Alvin sa Metro Manila rate sa pagiging truck driver maliban pa sa kanyang allowance na P250 ngunit ito ay kung mayroon lamang siyang biyahe, kung wala  ay wala rin siyang kita.

Kung probinsiya, gaya ng Mindoro, Bicol at Baguio ay P1,300 kada biyahe ang bayad sa kanya bukod sa allowance na P250.

Subalit kung babalik ng Maynila at inabot ng dalawang araw sa probinsya ay isang araw lamang ang bayad kay Alvin na kung saan ay kulang ito sa pagbuhay para sa kanyang pamilya.

Buti na lamang, nabigyan si Alvin ng ideya ng kanyang kapatid na isang taxi driver.

Noong unang sabak ni Alvin sa taxi ay wala itong kinita pero busog naman siya ngunit walang naiuwing pera sa pamilya.

Ngunit sa kalaunan ay natuto na rin siyang dumiskarte kung paano kumita ng maganda sa pagta-taxi pero depende pa rin sa dami ng pasahero, presyo ng gasoline, trapik at maging sa boundary.

Aminado si Alvin na malaki ang naging epekto ng pandemya sa kanilang pamilya dahil sa kaila­ngang nilang bumalik sa Mindoro para mabuhay dahil sa nawalan siya ng kita mula sa pagiging truck driver.

Pasalamat lamang ni Alvin ay mayroon siyang magulang na patuloy na nakaalalay gayundin ang mga kapatid na hindi madamot sa pagtulong sa kanya.

Nagdesisyun siyang magbalik sa Maynila ngunit malungkot man ay iniwan niya ang tatlong anak niya sa piling ng kanyang ina at ang bunsong anak lamang niya ang kasama nilang mag-asawa.

Hindi naman nakakalimot si Alvin na magpadala sa kanyang magulang para sa pandagdag na panggastos ng kanyang tatlong anak.

Sinabi ni Alvin na kung maayos ang kita ay nagagawa niyang makapagpadala ng P3,000 sa kanyang nanay ngunit may buwan din namang hindi siya makapagpadala dahil sa kakulangan ng pera.

Pagbabahagi ni Alvin na ang pinakamalaking kinita niya sa pagta-taxi ay P7,000 na kung saan ay bawas na rito ang boundary at gasolina lalo na nitong nakaraang Disyembre.

At may mga sandaling wala siyang kita pero hindi siya nawalan ng pag-asa at tiwala sa Panginoong Diyos at sa sariling diskarte.

Sa ngayon, nagbibigay ng boundary si Alvin ng P900  kada araw mula Lunes hanggang Biyernes samantalang P800 naman kada Sabado at Linggo sa kanyang operator.

Nakakatipid din si Alvin sa kanyang pamasahe pauwi dahil sa kanya ang garahe ng taxi na minsan pa ay nakakakuha pa ito ng pasahero na uuwi rin ng Cavite.

Alas-7 ng uma­ga ang pasada ng taxi ni Alvin at igagarahe niya ito depende sa nais niyang oras. CRISPIN RIZAL