LAGUNA – Patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya ang tsuper ng trailer truck na responsable sa naganap na malagim na aksidente na ikinamatay ng dalawang sanggol at apat pa sa Brgy. Sto. Domingo, Sta. Rosa noong Sabado ng gabi.
Dahil dito, patuloy na nananawagan si Sta. Rosa City Chief of Police PSupt. Eugene Orate sa sino man ang may alam at nakaka-kilala sa tumakas na tsuper na si Anthony Bernardo, residente ng Dasmariñas, Cavite na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Kaugnay nito, agaran namang nagtungo kay Orate ang pahinante na si Danilo Rillon Gison kasama ang nagmamay-ari ng truck na si Edwin Dastas ng La Fortuna Hauling Services, Calaca, Batangas para makipagtulungan sa nasabing kaso.
Bukod dito, ang isinagawang pahayag ng pahinante na si Gison kay Orate nang maganap ang nasabing insidente na umano’y nawalan ng preno ang truck na minamaneho ng tsuper na si Bernardo.
Sinasabing sa halip na umiwas sa mga paparating at nakahimpil na mga sasakyan, ayon kay Gison, sinabi pa sa kanya ni Bernardo na “KAYA KO ITO MANOOD KA” dahilan para mahagip nito ang nasa 19 na sasakyan kabilang ang panaderya at paupahang apartment na ikinasawi ng dalawang sanggol kabilang ang ina ng isa sa mga ito at tatlo pang katao.
Mabilis na tumakas ang suspek at pahinante makaraang bumangga na ang minamaneho nitong truck sa panaderya.
Samantala, bagaman patuloy pa rin na nakalalaya ang suspek, patong-patong ang kinakaharap nitong kaso sa pulisya.
At para sa makapagbibigay ng matibay na impormasyon kung saan matatagpuan at maaaresto ang suspek, tumawag at mag-text sa hotline ng Sta. Rosa City PNP – 0915-238-0013/0905-550-5288/0999-483-5681. DICK GARAY
Comments are closed.