RIZAL- KUSANG LOOB na sumuko sa Tanay Police Station ang 48-anyos na backhoe operator makaraang mapatay nito ang isang truck driver sa Tanay.
Kinilala ng pulisya ang suspek na sumuko na si Domi Floren Castillon, nasa hustong gulang habang ang biktima na napatay nito ay kinilalang si Melvin Tica Amoin, 48-anyos, residente ng Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 kamakalawa ng gabi sa loob ng construction area kung saan magkasamang nagtatrabaho sa barangay Kutyo, Tanay, Rizal.
Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek dahil sa remittance ng pera.
Hindi umano nagre-remit ng pera si Amoin sa backhoe operator na si Castillon na siya rin foreman nito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa pagpatay ng suspek sa biktima gamit ang backhoe.
Kasalukuyang nakapiit sa Tanay Police Station ang suspek habang inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban dito. Elma Morales