TRUCK NA PUNO NG PUSLIT NA YOSI NASABAT

SOUTH COTABATO- ISANG truck na naglalaman ng P7.8 milyong smuggled cigarettes mula Indonesia ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs katuwang ang local police sa lalawigang ito.

Sa ulat ng Aduana nasa 14,950 reams ng hinihinalang puslit na sigarilyo lulan ng isang delivery truck ang nakumpiska ng mga tauhan ng BOC.

Lumalabas na may kabuuang halaga na aabot sa P 7,825,000.00 ang nasamsam sa naturang operasyon sa Brgy. New Cuyapo, Tantangan, South Cotabato.

Naging matagumpay ang isinasagawang operasyon sa pagtutulungan ng Bureau of Customs Intelligence Investigation Service at Enforcement Security Service, katuwang rin ang 1st Company South Cotabato Provincial Mobile Force, Provincial Intelligence Unit, at Tantangan Municipal Police Station.

Agad namang na itinurover ang nakumpiskang item sa BOC – Port Gensan matapos na magpalabas ng warrant of seizure and detention para sa mga nakulimbat na kontrabando.

Magugunita nitong nakalipas na Linggo ay may tatlong truck din na puno ng smuggled cigarettes ang nasamsam ng militar kung saan lumutang na may mga pulis umanong sangkot sa smuggling operation.

Iniimbestigahan ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, regional director ng PRO-12, ang lumabas na ulat na may isang pulis na sangkot umano sa nakumpiskang mga smuggled na sigarilyo sa Soccskargen region at tiniyak na makakasuhan ito. VERLIN RUIZ