TRUCK NG DPWH PINASABUGAN: 1 SUGATAN

MASBATE-INIIMBESTIGAHAN ngayon ng militar at pulis ang naganap na pagpapasabog sa isang official vehicle ng Department of Public Works and Highway na ikinasugat ng isa sa apat na sakay nito Biyernes sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat ng Philippine Army at Police Regional Offfice 5, pinasabugan ang isang pick-up truck ng DPWH ng hinihinalang mga rebelde na kung saan isa sa apat na sakay na mga empleyado ng ahensiya ang nasugatan.

Samantala sa isinumiteng ulat sa punong himpilan ng Bicol police, direktang nahagip ng mga sumabulat na shrapnel ng granada ang sasakyan pagsapit sa Sitio San Jose, Brgy. Jamorawon sa bayan ng Milagros sa nasabing lalawigan.

Sa mga larawang kuha ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army, kita ang mga butas na tinamo ng sasak­yan na pumasok at tumama sa isang pasahero nito.

Ayon sa militar, ang nasabing pagpapasabog ay pananakot ng New People’s Army sa mga mamamayan at kontraktor ng isinasagawang Road Construction Project sa nasabing lugar upang makapangikil sa pondo ng nasabing proyekto.

Mariing kinokondena ni 2nd IB, Commanding Officer, Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen ang nasabing karahasan kay ipinag-utos nito na lalo pang paigtingin ang kanilang Community Support Program sa lalawigan.

Nanawagan naman si Awichen sa mga Masbatenyo na huwag magpapadala sa ganitong pananakot ng NPA bagkus ay tumulong sa pagpapanatili ng seguridad at katahimikan sa Masbate sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa kinauukulan tungkol sa presensiya at gawain ng mga NPA saan mang sulok ng probinsiya upang mapigilan ang ganitong karahasan. VERLIN RUIZ

3 thoughts on “TRUCK NG DPWH PINASABUGAN: 1 SUGATAN”

Comments are closed.