QUEZON- DALAWA ang patay at 3 naman ang grabeng nasugatan nang mahulog sa bangin ang isang truck sa Kilometer 15, National highway, Barangay Magsaysay, Infanta sa lalawigang ito kahapon ng umaga.
Sa report ni Quezon PNP provincial director Col. Jose Villanueva kay BGen. Antonio Yarra, Region lV-A police director, ang mga nasawi ay nakilalang sina Roberto Vicente Pelagio, 58-anyos, driver at residente ng Calumpit, Bulacan at Joseph Galang, 47-anyos, isang electrical engineer.
Kinilala naman ang mga sugatan na sina Archie Vicente, 30-anyos, laborer; Nerly Buco, 32-anyos; Virgilio Chico, 34-anyos at Marilou Sangil, 27-anyos, pawang mga trabahador at mga residente ng Calumpit, Bulacan.
Base sa pahayag ni Cpl. Samuel Gabangco, Quezon investigation head, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng umaga kung saan mabilis umanong binabagtas ng isang Mitsubishi Canter na minamaneho ni Pelagio ang kahabaan ng highway sa nasabing lugar nang mawalan umano ito ng kontrol at tuloy tuloy na nahulog sa bangin.
Sinabi pa ng pulisya na base sa pahayag ng isa sa nakaligtas, nang sumapit umano sa isang kurbada ng nasabing highway ang truck ay bigla itong nagpagewang- gewang hanggang tuluyan itong mahulog sa bangin. ARMAN CAMBE