BATANGAS- PATAY ang lima katao samantalang tatlo ang malubhang sugatan sa banggaan ng isang ten- wheeler truck at isang Sports Utility Vehicle kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng national highway sa Sto. Tomas sa lalawigang ito.
inisyal na ulat ni Lt. Col. Rodel Ban-O kay BGeneral Paul Kenneth Lucas, Calabarzon PNP Director na galing umano ang SUV sa Catarman, Samar patungong Nueva Ecija nang maganap ang insidente.
Ayon kay Col. Ban-O, nakatulog umano ang driver ng Innova Van kung saan sakay ang walo katao at kinain nito ang linya ng kalsada kung saan paparating naman ang truck na patungong Quezon.
Base sa salaysay ng mga nakasaksi sa pulisya, mabilis umano ang takbo ng van at hindi na naiwasan nito pasalubong na truck.
Ayon naman sa truck driver, nabigla rin umano siya ng bumulaga sa kanyang harapan ang nasabing van.
Base pa sa pahayag ng ilang motorista sa lugar, hindi na rin umano naiiwas ng truck driver ang sasakyan dahil sa bilis ng takbo ng van.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Nakakulong na ang truck driver sa Sto.Tomas police station at nakatakda itong sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide , multiple physical injuries at damage to property. ARMAN CAMBE